Pirma lalo pang dumami: Netizens nanawagan na huwag bigyan ng special treatment ang pork senators

Rappler

Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla and Sen. Juan Ponce Enrile Screen grab courtesy of Rappler

Lalo pang dumami ang mga netizen na pumipirma sa inilunsad na online petition na nananawagan upang tuluyan ng ikulong sina Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa P10B pork barrel scam.

Ang online petition na inilunsad ng grupong Citizens Congress for Good Governance (C2G2), Inc. sa Change.org website noong April 6 ay nakakuha na sa ngayon ng 6,314 online signature.

Dahil dito, nangangailangan na lamang ang nasabing online petition ng mahigit 1,000 pirma bago ito ipadala kina Pangulong Benigno Aquino, Ombudsman Conchita Carpio-Morales, Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tan at Senate president Franklin Drilon.

Sa panawagan ng grupong C2G2 Inc., nais ng grupo na tuluyan ng makulong ang tatlong senador. Bukod dito, iginiit din ng grupo na hindi dapat maisailalim sa hospital at house arrest ang tatlong senador at dapat na masigurado umanong maikukulong ang mga ito sa regular na kulungan.

change.org

Screenshot courtesy of change.org

“If only to give teeth to the administration’s “Tuwid Na Daan” pronouncements and to leave a legacy to his “BOSSES” that during his tenure, powerful people like Enrile et al were jailed, PNoy has to make sure that a resolution to this case is handed down — and that is, TO HAIL TO JAIL WITHOUT BAIL, ALL PLUNDERERS, NO LESS before his term ends in 2016 to show one and all that those who have less in life were able to obtain justice against those who plundered and used up the poor peoples’ money and the nation’s treasury,” pahayag pa ng grupo sa kanilang petisyon.

Noong Biyernes (June 13) ay pinal ng nai-raffle ang kaso ng tatlong senador sa Sandiganbayan. Bago ito ay una ng sinabi nina Revilla, Estrada at Enrile na handa silang makulong matapos silang sampahan ng kaso ng Ombudsman.

Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na walang iregularidad sakaling magtagal man bago tuluyang maaresto ang tatlong nadadawit na senador dahil sa dami ng dokumentong dapat pag-aralan at suriin na may kaugnayan sa pork barrel cases.

Matapos ang pagra-raffle sa mga kaso noong Biyernes ay mayroong 10 araw ang bawat miyembro ng Sandiganbayan para determinahin kung may sapat bang ebidensya at dahilan para sila ay magpalabas ng warrant of arrest laban sa tatlong mambabatas.-DCR

 

 

 

 

 

Advertisements