Malawakang transport caravan ikinasa ngayong araw

transport

Image from: Wikepedia

Ikinasa ngayong araw ng iba’t ibang transport group ang malawakang protest caravan.

Ito ang tugon ng nasabing sektor sa joint administrative order 2014-01 na inilabas ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ipinoprotesta ng sektor ng transportasyon ang bagong kautusan na nagtatakda ng mas mataas na multa para sa mga kolurum na sasakyan.

Base sa joint administrative order, aabot ng mula sa P10,000 hanggang P1M ang pwedeng maging multa para sa mga mahuhuling kolorum na bus, P200,000 para sa mga kolorum na truck at van, P120,000 para sa mga sedan, P50,000 para sa mga kolorum na jeepney at P6,000 para sa motorsiklo.

Ayon sa mga transport group, magpapalala lamang sa kotong at korapsyon ang bagong kautusang ito bukod pa sa tila ginagawang gatasan ang kanilang hanay.

Kasama sa transport caravan ngayon araw ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippine (ALTODAP),  Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), Liga ng Transportasyon at Opereytors sa Pilipinas, Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association Nationwide (PASANG MASDA),  Provincial Bus Operators Association of the Philippines, Federation of Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Alliance of Concerned Transport Operators, Airport Taxi Operators, Tourist­ Taxi and Bus Operators, Samahan ng Tsuper at Operator sa Pilipinas, Metro Manila Bus Operator, Association of Truckers Owners and Operators at iba pang mga grupo.

Mula sa Quezon City Memorial Circle ay aabante patungo sa mga opisina ng LTFRB at DOTC ang protest caravan,

Kasunod nito ay naghanda na ang Metropolitan Manila Development Authority para sa trapik na pwedeng idulot ng nasabing kilos protesta bukod pa sa psobileng kakapusan sa masasakyan.

Bukod sa Pasig River Ferry ay nakahanda na ang mga sasakyan ng MMDA at Philippine National Police para magbigay ng libreng sakay sa mga maapektuhang commuter.

Ang Quezon City government ay maglulunsad din ng Oplan Libreng Sakay ngayong araw kasunod ng transport caravan.-DCR

 

 

 

 

 

 

Advertisements