Sandiganbayan maglalabas na ng warrant of arrest laban kay Revilla

revilla

Sen. Bong Revilla Image from: 101pinoy.info

Inatasan na ng Sandiganbayan First Division ang clerk of court nito na ihanda ang warrant of arrest laban kay Sen. Bong Revilla.

Ito ay matapos makitaan ng probable cause ng korte ang mga kasong graft at plunder na isinampa ng Ombudsman laban sa senador.

Dahil dito, si Revilla ang kauna-unahang senador sa kasaysayan ng bansa na makukulong dahil sa akusasyon ng maling paggamit ng kanyang priority development assistance fund o PDAF.

Nakatanggap naman ng paabiso ang korte mula sa kampo ni Revilla na kusa na itong susuko sa kanila sakaling ilabas na ang warrant of arrest.

Inilabas ng anti-graft court ang kautusan ilang oras matapos nitong ibasura ang motion to stop proceedings ng kampo ni Revilla.

Bukod kay Revilla, kasama rin sa mga ng kasong plunder sina Richard Cambe, Ronald John Lim, John Raymund De Asis at Janet Lim Napoles.

Sa kasong graft naman, bukod kina Revilla, Cambe, De Asis, at Napoles ay kinasuhan din sina Mario Relampagos, Rosario Nuñez, Lalaine Paule, Marilous Dare, Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Francisco Figura, Ma. Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover, Myla Ogerio, Eulogio Rodriguez, Laarni Uy, at Consuelo Espiritu.

Kasama rin sa graft charges sina Evelyn De Leon, Allan Javellana, Rhodora Mendoza, Encarnita Munsod, Maria Julie Villaralvo-Johnson, Victoria Cacal, Maria Ninez Guañizo, Gondelina Amata, Emmanuel Alexis Sevidal, Ofelia Ordoñez, Sofia Cruz, Chita Jalandoni, Gregoria Buenaventura, Jocelyn Piorato, at Evelyn Sucgang.

Ang Sandiganbayan First Division ay pinamumunuan ni Associate Justice Efren de la Cruz, kasama sina  Associate Justices Rodolfo Ponferrada at Rafael Lagos.

Nakahanda naman ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police na ipatupad ang pag-aresto sa mga inaakusahan sakaling ilabas na ng korte ang warrant of arrest.-DCR

 

 

Advertisements