Dahil sa pandarambong: Sen. Revilla ikinulong na

Revilla 2

Sen. Bong Revilla having his mug shot Photo from: PNP

Tuluyan ng ikinulong si Sen. Bong Revilla dahil sa kasong graft at plunder na isinampa sa kanya sa Sandiganbayan kaugnay sa pagkakadawit nito sa pork barrel scam.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakulong ang isang aktibong miyembro ng Senado dahil sa akusasyon ng paglustay at pagdambong sa pondo ng bayan.

Biyernes (June 20) ng umaga ng tuluyang pirmahan ni Sandiganbayan 1st Division Justice Efren Dela Cruz ang warrant of arrest laban sa senador.

Mula sa kanyang bahay sa Bacoor, Cavite ay nagpahayag ng intensyong sumuko si Revilla sa korte.

Matapos maipanalangin at makapagpaalam sa kanyang mga tagasuporta at kaanak ay tumulak na si Revilla patungo sa Sandiganbayan. Bago mananghali ay nakarating ang senador sa anti-graft court.

Agad namang naglabas ng commitment order ang korte at iniutos na makulong si Revilla sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Philippine National Police.

Dahil dito ay idinala na agad ng PNP bandang hapon ang senador sa Camp Crame. Dito ay isinailaim sa booking process si Revilla kung saan kinunan ito ng mug shot, finger prints at sinuri ng mga doktor ng PNP ang kalusugan nito. Lumalabas na bahagyang tumaas ang nblood pressure ng senador dahil sa pagod. Bukod dito ay nakaranas din ng migraine si Revilla.

Revilla 1

Sen. Bong Revilla during his booking process Photo courtesy of PNP

Matapos ang booking process ay idinala na sa kaagad ang senador sa PNP Custodial Center. Bago tuluyang ikulong ay pansamantalang pinayagan ang mga anak at ang asawang si Rep. Lani Mercado na makapiling ang senador ng ilan pang sandali.

Nabatid na nakaranas din ng migraine si Revilla habang nasa PNP Custodial Center.

Bahagya namang nagkaroon ng kalituhan ang PNP dahil ang nakasaad sa commitment order ay dapat na ikulong si Revilla sa ilalim ng pangangalaga ng CIDG.

Dahil dito ay nakiusap ang PNP sa korte na malinawan ang nakasaad sa commitment order. Ayon kay PNP Public Information Office Chief Reuben Theodore Sindac, nakipag-ugnayan naman sila sa korte para sa kaunting pagbabago sa kautusan.

Ani Sindac, hindi handa ang pasilidad ng CIDG para sa pagkulong kay Revilla kung saan sa Custodial Center nila ito inilagay.

Bukod kay Revilla ay ipiniit din sa kaparehong pasilidad ang isa sa mga staff nitong si Atty. Richard Cambe na kapwa nito respondent sa kasong graft at plunder.

Itinakda naman ng anti-graft court sa June 26 ang pagbasa ng sakdal kay Revilla para sa kaso nito.

Bukod kay Revilla ay kasama rin sa ipinaaaresto para sa kasong plunder sina Ronald John Lim, John Raymund De Asis at Janet Lim Napoles.

Dahil naman sa kasong graft bukod kina Revilla, Cambe, De Asis, at Napoles ay ipinaaaresto rin sina Mario Relampagos, Rosario Nuñez, Lalaine Paule, Marilous Dare, Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Francisco Figura, Ma. Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover, Myla Ogerio, Eulogio Rodriguez, Laarni Uy, at Consuelo Espiritu.

Kasama rin sa graft charges sina Evelyn De Leon, Allan Javellana, Rhodora Mendoza, Encarnita Munsod, Maria Julie Villaralvo-Johnson, Victoria Cacal, Maria Ninez Guañizo, Gondelina Amata, Emmanuel Alexis Sevidal, Ofelia Ordoñez, Sofia Cruz, Chita Jalandoni, Gregoria Buenaventura, Jocelyn Piorato, at Evelyn Sucgang.

Inaasahan naman na sa susunod na linggo ay maglalabas na rin ng kautusan ang korte para naman sa kahihinatnan ng kaso nina Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Jinggoy Estrada na kapwa nadadawit din sa pork barrel case.-DCR

Advertisements