Arrest warrant laban kay Sen. Jinggoy Estrada inilabas na

jinggoy estrada

Sen/ Jinggoy Estrada Photo courtesy of: Sen. Jinggoy Estrada Facebook

Naglabas na ang Sandiganbayan 5th Division ng warrant of arrest laban kay Sen. Jinggoy Estrada dahil sa mga kasong isinampa dito ng Ombudsman kaugnay ng pork barrel scam.

Matapos ang mahigit isang dekada ay muling makukulong ang senador matapos makitaan ng probable cause ng korte ang mga kasong isinampa laban dito.

Bukod kay Estrada ay ipinaaaresto din ng Sandiganbayan 5th division para sa kasong plunder sina Pauleen Labayen, John Raymund De Asis at Janet Lim Napoles.

Pirmado nina Justice Roland Jurado, Justice Alexander Gesmundo at Justice Alex Quiroz ang kautusang ibinigay sa Sheriff’s Office ng Sandiganbayan na nag-aatas ng paglalabas ng warrant of arrest laban sa senador.

Bago sumuko sa Camp Crame kasama ang kanyang pamilya ay nagtungo muna si Estrada sa bahay ng kanyang amang si Manila Mayor Erap Estrada para magpaalam.

Sa panayam sa programang Mornings@ANC ng ABSCBN News Channel ngayong umaga, sinabi ni Estrada na traumatic para sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang bunsong anak ang nangyayaring ito sa kanila.

Sa kabila nito ay iginiit pa rin ng senador na wala siyang kasalanan at susunod siya sa anumang ipag-uutos ng korte.

Ayon pa kay Estrada, awtomatikong maghahain sila ng motion for bail sa sandaling lumabas na ang arrest warrant laban sa kanya.

Aniya, nalulungkot din siya sa pagkakakulong ni Sen. Bong Revilla.

Nanawagan din si Estrada sa taumbayan na sana ay huwag muna silang husgahan. Nagpasalamat din ang senador sa masang Pilipino partikular sa kanyang mga tagasuporta sa patuloy na pananalangin para sa kanya at kanyang pamilya.

Ayon naman kay Philippine National Police – Public Information Office Chief Reuben Theodore Sindac, nakahanda na ang PNP-Custodial Center sa Camp Crame sakaling dito iutos ng korte na ikulong si Estrada.

Aniya, katulad ng pinagdaanan ni Revilla noong Biyernes, sasailalim din sa regular booking procedure si Estrada bago ito ipasok sa kulungan.-DCR

Advertisements