Manila Mayor Erap isinuko ang anak na si Sen. Jinggoy sa PNP

erap and jinggoy

Sen. Jinggoy Estrada and Manila Mayor Erap Estrada Image retrieved from: quierosaber.wordpress.com

Sumuko si Sen. Jinggoy Estrada sa ama nitong si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Ito ang sinabi ng abogado ng senador na si Atty. Jose Flaminiano sa panayam nito sa ABSCBN News Channel ngayong tanghali.

Ayon kay Flaminiano, sumuko ang senador sa ama nitong alkalde ng Maynila dahil isa itong person of authority.

Mismong si Manila Mayor Estrada naman ang nagsuko sa anak na si Sen. Jinggoy Estrada sa PNP General Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Isinuko ni Mayor Estrada ang anak na si Jinggoy matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban dito.

Matapos ianunsyo ang pagkakaroon ng probable cause ay agad iniutos ng anti-graft court ang paglalabas ng arrest warrant para sa senador dahil sa kasong graft.

Mula naman sa kanyang bahay sa Corinthian Village sa Quezon City ay tumungo ang senador kasama ang pamilya nito sa polk St. sa San Juan.

Mula dito ay ilang minuto rin ang tumagal bago tumulak ang pamilya Estrada  patungong Camp Crame.

Sa panayam naman sa abogadong si Atty. Alexis Abastillas sa ANC, sinabi nitong maghahain sila ng motion for bail sa Sandiganbayan. Kasabay nito ay hihilingin din nilang maidetine ang senador sa kustodiya ng PNP-CIDG sa PNP Custodial Center.-DCR

Advertisements