Eiga Sai 2014 simula na sa July 3

Eiga sai 12

Eiga Sai 2014


Magsisimula na sa susunod na Huwebes July 3 ang Eiga Sai 2014.

Ipapalabas sa taunang Japanese Film Festival dito sa Pilipinas ang 16 na pelikulang Hapon na kinatatampukan mga istoryang nakasentro sa pamilya.

Inaasahang tatangkilikin ng mga film enthusiast ang mga pelikula dahil kapwa ang Pilipinas at Japan ay nagbibigay halaga at importansya sa pamilya na siyang tema ng nasabing film festival ngayong taon.

Tiyak rin na maraming makakaintindi sa temang dala ng bawat pelikulang ipalalabas sa Eiga 2014 dahil parehong nakaranas ng matitinding kalamidad ang dalawang bansa nitong mga nagdaang taon.

Dalawa sa mga ipapalabas na pelikula ay animated films habang karamihan sa mga ito ay tiyak na magpapaluha at magpapaantig sa damdamin ng bawat manonood.

Sa pagbubukas ng Eiga Sai 2014 sa July 3 ay itatampok ang pelikulang “Homeland” (Ieji) sa direksyon ni Nao Kubota. Ang pelikula ay tungkol sa isang pamilyang napilitang lisanin ang kanilang tahanan sa Fukushima matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Japan noong March 2011.

Una ng ipinalabas sa  Berlin Film Festival ang nasabing pelikula na kinunan ang karamihan sa mga eksena sa mismong bayan ng Fukushima. Ayon sa mga ulat, kinunan din ang pelikula maging sa mga lugar na hindi na pinapayagang makapunta ng gobyerno ang mga tao dahil sa taas ng nuclear radiation.

Ipapalabas din ngayong taon sa Eiga Sai ang pelikulang “REUNION” (Itai Asu e no tokakan) sa direksyon ni Ryoichi Kimizuka. Kwento ito ng isang dating nagtatrabaho sa punerarya na inialok ang kanyang serbisyo para maproseso ang mga bangkay na biktima ng lindol at tsunami sa  Tohoku noong 2011.

EIGA SAI 2014

Eiga Sai 2014 Screening Schedules in Shang Cineplex 2

Magaganap ang libreng screening ng mga pelikulang kasama sa Eiga Sai 2014 sa Shang Cineplex Cinema 2 (July 3 to 13), Abreeza, Ayala Mall (July 15 to 27), FDCP Cinematheque, Davao City (July 29 to August 3), at Ayala Center Cinema 4, Cebu City (August 6 to 10).

Ang Eiga Sai 2014 ay handog ng The Japan Foundation, Manila sa pakikipagtulungan ng Embassy of Japan, Shangri-la Plaza at Film Development Council of the Philippines. Ang taunang film festival na ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Philippines-Japan Friendship Month.-DCR

 

 

You can download Eiga Sai 2014 Flyer here

 

 

 

 

 

 

Advertisements