Mugshots lumabas pa rin sa media: Sen. Jinggoy Estrada ikinulong na

estrada mugshot

Mugshots of Sen. Jinggoy Estrada

Tuluyan ng ikinulong si Sen. Jinggoy Estrada dahil sa pagkakadawit nito sa P10 bilyon pork barrel scam.

Kasunod nito ay hindi na napigilan pa ang paglabas ng mugshot ni Sen. Jinggoy Estrada sa kabila ng pagsasabi ng Philippine National Police (PNP) kahapon na hindi nila ilalabas ang kopya nito sa media.

Parte ng booking process na pinagdaanan ni Estrada ang pagkuha ng mugshot dito bago tuluyang ikinulong dahil sa pork barrel case.

Kahapon ay pormal na iniutos ng Sandiganbayan 5th Division ang paglalabas ng warrant of arrest laban sa senador kaugnay ng graft at plunder charges na ikinaso dito ng Ombudsman.

Una ng sinabi ni PNP-Public Information Office Chief Reuben Theodore Sindac na ang Criminal Investigation and Detection Group ang hindi pumayag na maglabas ng kopya ng mugshots ni Estrada.

Sa kabila nito, inamin naman ng opisyal na walang malinaw na panuntunan ang PNP kaugnay sa paglalabas sa media ng mugshots ng isang akusado.

Ang hindi paglalabas ng mugshots ni Estrada ng PNP ay kabaligtaran sa ginawa pulisya matapos maaresto si Janet Lim Napoles. Sa kaso naman ni Sen. Bong Revilla ay hindi rin naglabas ng mugshots ng senador ang PNP subalit nagbigay naman ito sa media ng mga larawan na nagpapakitang sumailalim nga sa normal booking process ang senador.

Inamin naman ng isa sa mga abogado ni Estrada na si Atty. Alexis Abastillas na hindi pumayag ang kampo ng senador na ilabas sa media ang mugshots nito. “Dapat hindi talaga ilabas ang mugshot niya. That is an irregular procedure and a violation of the rights of the accused. Kaya nga bawal ang cellphone sa loob. Kung ikaw ba, gusto mo ilabas ang mugshot mo?” ayon pa sa abogado.

Si Estrada ang ikalawang senador sa kasaysayan ng bansa na nakulong dahil sa kasong graft at plunder.

Sa kasalukuyan ay nakapiit si Estrada sa PNP Custodial Center sa Camp Crame kung saan nakakulong din si Revilla.-DCR

Advertisements