Buong West Philippine Sea sinakop: China inilabas ang bagong mapa

China map

The new map of China published by Hunan map publishing house Image from: english.people.com.cn

Inilabas na ng China ang pinakabago nitong bersyon ng kanilang mapa kung saan ipinapakita nito ang tuluyan nilang pagsakop sa kabuuan ng West Philippine Sea (South China Sea).

Sa bagong mapa ay makikita ang sampung linya na sumasaklaw sa sinasabi ng China na kanilang teritoryo.

Ang 10-dash line na ito ay direktang dumadaan sa mga baybayin ng Brunei, Malaysia, Vietnam at Pilipinas.

Sa ulat ng Reuters  sinabi umano ng People’s Daily, ang opisyal na pahayagan ng partido komunista sa China na ang paglalabas ng bagong mapa ay upang lalo pang mabigyang pansin na parte ng kanilang bansa ang West Philippine Sea.

Agad namang binatikos ng Pilipinas ang ginawang ito ng China.

Sa panayam ng ABSCBN News Channel, sinabi ni Department of Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na liban sa China ay wala ng ibang bansa ang kumikilala sa nine dash line nito.

“We should take note that no other country recognizes previously China’s nine-dash claim. Publishing a new map does not make the territories that they claim theirs,” ayon pa sa opisyal.

Ayon pa kay Jose, ipinapakita lamang sa bagong hakbang na ito ng China ang kanilang agresibo subalit wala sa lugar na pagpapalawak ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Sinabi naman ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Hua Chunying na ang bagong mapa ay para sa kanilang mga mamamayan. Nananatili rin umano ang posisyon ng kanilang bansa hinggil sa isyu sa South China Sea.

Mataas pa rin ang tensyon sa pagitan ng mga bansang nag-aagawan sa mga islang nasa West Philippine Sea. Matatandaan na tumaas lalo ang tensyon sa lugar matapos magtayo ang China ng oil rig sa karagatang inaangkin din ng Vietnam.

Sa parte naman ng Pilipinas ay nadiskubre ng gobyerno ang ilan sa mga reclamation activity ng China sa mga islang inaangkin nito tulad ng Mabini Reef.

Pinaniniwalaan na ang mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea ay mayaman sa natural gas bukod pa sa mga yamang dagat na makukuha mula dito.-DCR

Advertisements