Mga helicopter at bagong assault rifles matatanggap ng AFP bago matapos ang 2014

AFP

Image retrieved from: www.timawa.net

Nakatakdang dumating ang mga bagong armas at dagdag na helicopter para sa Armed Forces of the Philippines bago matapos ang 2014.

Lalo pang mararamdaman ng mga sundalo ang modernisasyon sa loob ng AFP sa napipintong pagdating ng tinatayang 75,000 M4 American made Remington rifles at 21 refurbished UH1H chopper.

Aabot sa halagang P1.264 bilyon ang ginastos ng gobyerno para sa pagbili ng 21 Huey chopper habang nagkakahalaga naman ng P4 bilyon ang bagong M4 assault rifles.

Ayon kay Defense Secretary Voltaire Gazmin, layon ng pagbili ng mga bagong baril na mapalitan ang mga lumang M16 rifles ng mga sundalo.

Aniya, darating sa July at August ang paunang batch ng mga biniling M4 rifles at nakatakda itong makumpleto hanggang sa dumating ang kasunod na delivery sa Setyembre.

Ayon pa kay Gazmin, apat naman sa 21 chopper ay binubuo na rin sa Clark Freeport Zone habang ang iba ay parating na sa bansa.

Ang naturang pagbili ng mga bagong armas ng militar ay bahagi pa rin ng AFP Modernization program.

” Unti-unti nang nararamdaman ng ating kasundaluhan yung mga gamit na nakukuha natin, mga nabibili natin. Ito ay para sa Armed Forces,” pahayag pa ng kalihim.

Matatandaan na nakatakda ring i-deliver sa bansa ng South Korea ang 12 FA-50 na binili ng Pilipinas mula rito.

Noong nakaraang taon naman ay dumating na rin sa bansa ang limang  bagong AW109E choppers para sa Philippine Navy bukod pa sa kahalintulad na model ng chopper na bibilhin din ng bansa para naman sa Philippine Air Force.

Nagaganap ang patuloy na pagbili ng mga makabagong kagamitan ng militar sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa West Philippine Sea tungkol sa agawan ng teritoryo.-DCR

 

 

 

Advertisements