Manila broadsheet naglabas ng editorial cartoon laban sa China

manila times cartoon

The Manila Times editorial cartoon Image from: The Manila Times Facebook Page

Dahil sa patuloy na pambu-bully at panghihimasok sa teritoryo ng bansa ay naglabas ng editorial cartoon ang isang Manila based broadsheet para tuligsain ang China.

Sa kanilang editorial cartoon ngayong araw, iginuhit ng The Manila Times ang sarili nilang bersyon ng nine dash line base sa opinyon ng publiko hinggil sa patuloy na pambu-bully ng China.

Makikita sa cartoon ang mapa ng Pilipinas at China. Nakalagay din doon ang mga “dash line” na kunwaring inilagay para ipakita ang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Subalit kung titignang mabuti ang linya, makikitang bumuo ito ng “dirty finger” sign na nakaturo direkta sa China.

Marami ang natuwa sa cartoon subalit may mga hindi rin nakagusto rito. Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa 835 likes na ang nakukuha nito sa Facebook bukod pa sa 853 shares simula ng i-post ng pahayagan sa kanilang Facebook page ang cartoon kagabi.

Ang cartoon ay tugon matapos ilabas ng China ang pinakabago nitong bersyon ng kanilang mapa ngayong linggo.

Sa bagong mapa ng China ay naglagay ito ng 10 dash line na nagtatakda ng mga teritoryo at hangganan nito sa West Philippine Sea.

Direktang dumadaan sa mga karagatang sakop ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia at Brunei ang 10-dash line sa mapa na ginawa ng China.

China map

The new map released by China Image from: english.people.com.cn

Una ng binatikos ng China ang Pilipinas dahil sa paghingi ng tulong ni Pangulong Benigno Aquino III sa Japan hinggil sa isyu ng agawan sa teritoryo at pagpapahayag ng suporta kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe para naman sa panukalang pagbabago ng konstitusyon ng Japan.

manila times cartoon 1

Manila Times editorial cartoon Image from: The Manila Times website

 

Laman ng panukala ang pagtulong ng Japan sa mga kaalyado nitong bansa sakaling sila ay salakayin o mapasabak sa digmaan.

Sa pahayag kahapon ni Chinese Foreign Ministry Spokesman Hua Chunying, sinabi nitong dapat na tigilan ng Pilipinas at Japan ang mga mapanghamon aktibidad na pwedeng magpalala sa isyu ng agawan sa teritoryo.

Agad namang sinupalpal ng Malacañang ang pahayag na ito sa pagsasabing kabaligtaran ng sinasabi ng China ang ginagawa nito. Sinabi rin ng Palasyo na tanging China lamang ang kumikilala sa 10-dash line map at labag din ito sa itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea.-DCR

 

 

 

 

 

 

Advertisements