PNoy sinigawan sa Iloilo City

PNoy

Pangulong Benigno Aquino III Image retrieved from: PNoy Facebook Page


Muling nakatikim ng paninigaw si Pangulong Benigno Aquino III matapos ang pagdalaw na ginawa nito sa Iloilo City ngayong araw para pasinayaan ang ilang proyekto ng pamahalaan doon.

Halos kauumpisa pa lamang ng talumpati ng Pangulo ng bahagya itong mapatigil dahil sa pagsigaw ng ilang miyembro ng Anakbayan.

“Maraming salamat po sa kanila.”Ito na lamang ang nasambit ni PNoy matapos bahagyang magulat dahil sa insidente.

Agad namang naialis ng mga pulis sa lugar ang apat na aktibistang sumigaw sa Pangulo.

Ayon sa pahayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, laging sinisiguro ng Pangulo na  siya ay accessible sa taumbayan sa pamamagitan ng mga pagkakataon tulad ng sa Iloilo City.

“It is regrettable when some people try to lower the public discourse by merely engaging in shouting matches,” pagtatanggol pa ng kalihim.

Hindi ito ang unang pagkakataon na sinigawan ang Pangulo habang nagtatalumpati.

Noong June 12 habang inihahayag ni PNoy ang kanyang Independence Day speech sa Naga City, biglang isinigaw ng aktibistang si Pio Mijares mula sa Ateneo De Naga University ang mga katagang ‘Walang pagbabago sa ilalim ni Aquino’.

Matapos arestuhin ay kinasuhan rin agad ng PNP-Naga si Mijares.

Sa isang panayam kay Mijares ay sinabi nito na inagaw at nilukot ng mga pulis na umaresto sa kanya ang hawak niyang poster saka tinangkang ipasak sa kanyang bibig kung kaya nalasahan niya ang pintura nito.-DCR

 

 

 

 

 

Advertisements