Umapela na para sa 2016: “Piliin natin ‘yung talagang maglilingkod sa atin”-PNoy

PNoy Iloilo

President Benigno Aquino III during his visit in Iloilo City Image from: PNoy Facebook Page


Muling nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III sa sambayanan na pumili ng mga susunod na lider ng bansa na magpapatuloy sa nasimulan ng kanyang administrasyon.

Bagama’t malayo pa ang 2016 Presidential Election, muling ipinaalala ni PNoy sa sambayanan ang kahalagahan ng pagpili ng tama sa mga susunod na lider ng bansa.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa pagtungo nito ngayong araw sa Iloilo City para pasinayaan ang Senator Benigno S. Aquino Jr. Avenue at puntahan ang iba pang proyektong imprastruktura ng gobyerno doon.

Bago nito pinasaringan din ng Pangulo ang nagdaang administrasyon. Bagama’t hindi direktang tinukoy sinabi ni PNoy na matagal na dapat natamasa ng mga mamamayan partikular sa Iloilo ang mga proyekto ng gobyerno kung tama lamang ang napiling lider ng bansa noong mga nagdaang panahon. “Malinaw po na tapos na ang panahong iilan lang ang nakikinabang sa kaban ng bayan; hindi na nagpapatupad ang pamahalaan ng mga proyektong pampapogi lang.”

“Kung tutuusin nga po, matagal na dapat naisagawa ang mga ito kung hindi lang tayo nagkamali sa pagpili ng mga mamumuno. Ngayon po, matapos lamang ang apat na taon, tingnan ninyo ang ipinagbago ng Iloilo kundi bagkus ng buong bansa,” pahayag pa ng Pangulo.

Nagpasalamat din si PNoy sa mga Ilonggo dahil sa pangunguna nila ni DILG Sec. Mar Roxas na kanyang runningmate noong nagdaang 2010 election.

Kasunod nito ay umapela na Pangulo sa taumbayan na pumili ng mga taong magtutuloy ng kanyang mga nasimulan sa darating na halalan. “Dalawang taon na lamang po ang bibilangin at kakailanganin na naman nating pumili ng magpapatuloy sa ating mga nasimulan. Huwag na po sana tayong lumihis. Kung magkakawatak-watak tayo ay hindi natin tuluyang makakamit ang ating kolektibong mga hangarin,”  pahayag ni PNoy.

“Pasensya na po kayo kung sirang plaka tayo, ulit-ulitin ko lang ho, ‘Pag ako po’y parating nakakatangap ng puri, parati ko hong sinasabing hindi ko ginawa mag-isa ‘to. Binigyan ako ng pagkakataon ng sambayanan, at tingnan ho n’yo ang resulta. ‘Yun lang ho naman ang formula: piliin natin ang tama, tutungo tayo sa dapat kalagyan. Piliin natin ‘yung talagang maglilingkod sa atin at hindi maghahari-hari sa’tin,” pagtatapos ng Pangulo.-DCR

Advertisements