Illegal drug issue dahilan kung bakit hindi pinili si Nora Aunor bilang National Artist

Nora Aunor

Superstar Nora Aunor Image from: Inquirer Facebook

Kinumpirma ni Pangulong Benigno Aquino III na ang isyu tungkol sa pagkakadawit ni Superstar Nora Aunor sa ilegal na droga ang dahilan kung bakit ito hindi napiling mapasama sa mga idineklarang bagong National Artist ng bansa.

Binasag ng Pangulo ang pananahimik sa isyu halos dalawang linggo na ang nakakaraan mula ng ideklara ng Malacañang ang mga bagong Pambansang Alagad ng Sining ng bansa.

Ayon kay PNoy, nalaman niya ang background ng superstar mula umano sa pagtitinda nito ng tubig hanggang sa maging matagumpay itong aktres.

Sa kabila nito ayon sa Pangulo, ang naging problema lamang ay ang illegal drug case na kinasangkutan ni Aunor sa Amerika.

Ayon pa sa Pangulo, binibigyan ng pagkilala bilang national artist ay ang mga artistang may malaking naiambag sa kultura at sining ng bansa subalit ang naging problema lamang sa superstar ay naging sangkot ito sa ipinagbabawal na gamot.

Binigyan diin pa ng Pangulo na kahit kailan, ang pagdo-droga ay mali at hindi niya ito kukunsintihin.

Ito ang unang beses na nagsalita si PNoy sa isyu matapos batikusin tungkol sa hindi pagkakasama ni Aunor sa mga hinirang na national artist.

Una ng naglabas ng ng saloobin kahapon ang superstar sa isyu.

Inamin ng aktres na nasaktan siya sa pangyayari. Sa kabila nito ay sinabi pa rin ni Aunor na nagpapasalamat siya sa pagdagsa ng suporta para sa kanya.

Aniya, hindi man siya binigyan ng parangal ng mga nasa pwesto ay iniluklok naman siya ng taumbayan sa kanilang mga puso bilang isang artista ng bayan.

“Para sa akin po ay mas totoo at mas masarap ang karangalang ito dahil taos-pusong nanggagaling sa mga taong siyang dahilan kung bakit ako nagpapakabuti bilang isang artista — ang mga mamamayang Pilipino. Ang pagsuportang ito ang lalong nagbibigay ng lakas ng loob sa akin, at ng walang kapantay na inspirasyon, upang lalo kong pagbutihin ang aking sining, upang lalo akong sipagin sa pagbabahagi ng kung anumang talento meron ako, at upang lalo ko pang pag-ibayuhin na maging isang mabuti at marangal na mamamayang Pilipino,” pagtatapos ng Superstar sa kanyang pahayag. -DCR

Advertisements