Dahil sa Ebola virus: Tatlong bansa sa West Africa isinailalim ng DFA sa alert level 2

DFA logo

Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 2 ang crisis alert level sa tatlong bansa sa West African Region dahil sa patuloy na pagkalat ng Ebola virus.

Kahapon ay idineklara ng DFA ang crisis alert level 2 para sa mga bansang Guinea, Liberia, at Sierra Leone.

Sa ilalim ng naturang alerto ay inaatasan ang lahat ng mga Pilipino sa nasabing mga bansa na maging maingat, umiwas sa mga matataong lugar at sundin ang mga health precaution para makaiwas sa epekto ng Ebola virus.

Pansamantala ring ititigil ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga bagong manggagawa sa naturang mga bansa at tanging ang mga may umiiral na kontrata lang muna ang papayagang makabalik doon.

“Due to the developments in the Ebola Virus outbreak in Western Africa, the Department of Foreign Affairs has raised the crisis alert level to Alert Level 2 (Restriction Phase) in Guinea, Liberia, and Sierra Leone. Under Alert Level 2, Filipinos in these countries are instructed to restrict non-essential movements, avoid public places, and take precautions. Furthermore, only returning overseas Filipino workers (balik manggagawa) with existing employment contracts will be allowed to go back to the host country,”pahayag ng kagawaran.

Aabot sa 880 ang mga Pinoy sa Guinea habang nasa 632 ang mga Pilipino sa Liberia, kasama na ang 148 Pilipinong sundalo na nasa peacekeeping mission  samantalang nasa  1,979 ang mga Pinoy sa Sierra Leone.

Sa pinakahuling tala ng World Health Organization nitong July 1 ay umabot na sa 759 ang naitalang kaso ng Ebola virus sa tatlong bansa sa West Africa kung saan 467 sa mga ito ay namatay.

Nangako naman ang DFA na patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon sa nasabing mga bansa.-DCR

Advertisements