Nora Aunor pinarangalan bilang ‘Artista ng Bayan’ ng Gabriela

Cinemalaya

Image from: Hustisya Facebook

Ginawaran ng pagkilala ng militanteng grupong Gabriela si Superstar Nora Aunor para sa natatangi nitong pagganap sa 1976 film na Minsa’y Isang Gamu-Gamo.

Sa pagkilalang ibinigay ng Gabriela Women’s Party-list ay tinawag nito bilang Artista ng Bayan ang superstar.

Ibinigay ng grupo ang pagkilala sa gitna ng isyung bumabalot matapos tanggihan ni Pangulong Benigno Aquino III na isama sa hanay ng mga hinirang na bagong National Artist si Ate Guy.

“My brother is not a pig! Ang kapatid ko ay tao isang baboy damo!” Ito ang mga linyang umukit sa kamalayan ng mga Pilipino at nagpatingkad pa sa pag-arte ni Aunor.

Ang pelikulang Minsa’y Isang Gamu-Gamo ay tumalakay sa naging paghihirap at paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino noong panahong nananatili pa ang base militar ng Amerika sa bansa.

Naging nominado si Aunor sa 1976 Metro Manila Film Festival bilang pinakamahusay na aktres dahil sa nasabing pelikula. Sa naturang festival ay nanalo ng Best Editing at Best Story ang naturang pelikula habang nanalo naman ito sa 25th FAMAS Awards ng Best Story, Best Picture, Best Editor, Best Editing at Best Screenplay.

Ginawa ang paggawad ng parangal sa Gabriela sa National Council of Churches in the Philippines sa Quezon City kasabay ng forum na ginawa doon na tumatalakay sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA na isang bagong kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas.

Kasama ring dumating ni Aunor sa naturang forum ang batikang manunulat na si Ricky Lee. Si Lee ang sumulat ng screenplay para sa pelikulang Himala. Muling magkakatrabaho sina Aunor at Lee sa indie film na Hustisya na ipalalabas naman sa Cinemalaya 2014 ngayong darating na August 1-10. -DCR

Advertisements