Sen. Enrile at Atty. Gigi Reyes sumuko na

Sen. Juan Ponce Enrile and Atty. Gigi Reyes

Sen. Juan Ponce Enrile and Atty. Gigi Reyes Image from: www.abs-cbnnews.com

Magkahiwalay na sumuko sa mga awtoridad sina Sen. Juan Ponce Enrile at dati nitong chief of staff na si Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes matapos ipag-utos ng anti-graft court ang pag-aresto sa mga ito dahil sa kasong graft at plunder na isinampa ng Ombudsman.

Ngayong hapon lamang sumuko si Reyes sa Sandiganbayan at agad itong nagtungo sa Sherriff’s Office.

Inilabas ngayong araw ng Sandiganbayan third division ang warrant of arrest laban kay Reyes, Enrile, Janet Lim Napoles, John Raymond de Asis at Ronald John Lim.

Pirmado ang arrest warrant ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje Tang.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa Camp Crame na si Enrile para sumuko. Si PNP-Criminal Investigation Detection Group chief Benjamin Magalong ang kasama ni Enrile sa pagsuko nito.

Bago magpalabas ng warrant of arrest ay ibinasura ng Sandiganbayan ang motion for bail ni Enrile habang nabasura din ang motion to suspend proceedings na inihain ng kampo ni Reyes.

Inaasahan na sasailalim sa regular booking procedure ang 90-anyos na senador sa PNP Multi Purpose Hall.

Sa ngayon ay hindi pa naglalabas ng commitment order ang korte kung saan ikukulong si Reyes at kung papayagan ba ang hospital arrest para kay Enrile o kung sa PNP Custodial Center din sa loob ng Camp Crame ikukulong ang dalawa.-DCR

 

Advertisements