CATANDUANES under signal no.3: Klase bukas sa ilang lugar sa Metro Manila at ibang lalawigan suspendido na

Updated as of July 14   7:00 PM (PST)

PAGASA

Projected path of Tropical Storm “Glenda” (Rammasun) Image from PAGASA

 

Pinaghahanda na ng gobyerno ang lahat ng lugar na posibleng daanan ng bagyong Glenda (Rammasun) na inaasahang tatama sa Kabikulan bukas.

Kasunod nito ay nagsuspinde na ng klase simula alas-12 tanghali ngayong araw ang lalawigan ng Albay. Epektibo ang suspensyon para sa lahat ng antas ng mga pampribado at pampublikong paaralan ayon kay Albay Gov. Joey Salceda.

Ganito rin ang naging hakbang ng lalawigan ng Camarines Sur matapos suspendihin ang klase sa elementarya at high school simula mamayang tanghali. Bukod dito ay suspendido na rin ang klase sa buong lalawigan bukas sa lahat ng antas.(July 15).

Sa pinakahuling abiso mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), itinaas na nila ang public storm warning signal number 1 para sa mga lugar ng Metro Manila, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Pangasinan, southern Aurora, northern Quezon including Polilio Island, Romblon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Lubang Island, Eastern Samar, Samar, at Biliran.

Nakataas naman ang public storm warning signal number 2 sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate, Burias Island & Ticao Island, Albay, Sorsogon, Marinduque, Southern Quezon, at Northern Samar.

Nakataas naman ngayon ang signal number 3 sa Catanduanes.

Dahil sa pag-ulang nararanasan dito sa Metro Manila ay sinuspinde na rin ni Manila Mayor Joseph Estrada ang klase ngayong araw sa pre-school at elementarya.

Suspendido naman ang klase para bukas (July 15) sa pre school at elementary sa Muntinlupa City habang suspendido naman ang klase bukas sa lahat ng antas sa Pateros.

Sa Valenzuela ay suspendido rin ang klase bukas sa pre school lamang sa private at public schools. Sa Marikina City naman ay sinuspinde na rin ni Mayor Del De Guzman ang klase bukas mula pre school hanggang high school sa lahat ng pampribado at pampublikong paaralan sa lungsod.

Ayon naman sa Metro Manila Development Authority suspendido muna ang operasyon ng Pasig River Ferry ngayong araw dahil sa storm warning signal na nakataas sa Kalakhang Maynila.-DCR

Advertisements