Magpapaliwanag sa kanyang mga ‘boss’: PNoy magsasalita na kaugnay ng DAP

PNoy

President Benigno Aquino III Image from PNoy Facebook

Nakatakdang magsalita si Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) ngayong araw.

Ayon kay PCOO Sec. Sonny Coloma, mamayang 6:00 ng gabi ay mapapanood ang live telecast na paliwanag ng Pangulo tungkol sa naturang usapin.

Sinabi ni Coloma na hiniling nila sa mga istasyon ng telebisyon at radyo na mabigyan ng airtime ang Pangulo para sa paghahayag nito ng paliwanag tungkol sa DAP.

“Humihingi po ang Pangulo ng pagkakataon na makausap ang kanyang mga boss, ang mga mamamayang Pilipino, para magbigay linaw sa mga isyu na humaharap sa ating bansa, kabilang na po ‘yung Disbursement Acceleration Program na kailan lang ay pinagpasyahan ng Korte Suprema,”pahayag ng kalihim sa panayam ng dzRB Radyo ng Bayan.

Sa kasalukuyan ay kaliwa’t kanang batikos ang tinatanggap ng administrasyong Aquino kaugnay ng DAP.

Uminit lalo ang kritisismong tinatanggap ng Palasyo matapos tuluyang ideklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema ang ilang probisyon ng DAP.

Ang DAP ay ang kinuhang budget ng Ehekutibo mula sa saving ng iba’t ibang kagawaran at ahensya ng gobyerno para magamit sa iba pang proyekto na hindi naman itinakda ng Kongreso sa ilalim ng national budget.

Itinanggi rin ni Coloma na nagkakaroon na ng pagpa-panic sa panig ng Malacañang kaugnay ng DAP.

“Wala pong panic. Mahinahong-mahinahon po ang ating Pangulo at patuloy pong ginagampanan ng mga miyembro ng Gabinete at ng pambansang pamahalaan ang tungkulin nito.”

“Nabasa na po ng Pangulo ang buong desisyon at pagkatapos ng maingat na pagbabasa at pag-unawa ay nakipagtalakayan po siya sa iba’t ibang mga miyembro ng Gabinete para buuin po ang magiging tugon ng pamahalaan sa desisyon na ‘yan. Layunin po ng Pangulo na makipagtalakayan sa ating mga mamamayan, simula sa kanyang pagtatalumpati bukas ng gabi,”pahayag pa ng kalihim.

Noong Biyernes ay una ng sinabi ng Pangulo na nagtangka si Department of Budget and Management Sec. Butch Abad na magbitiw sa kanyang tungkulin.

Sa kabila nito sinabi ni PNoy na hindi niya tinanggap ang resignation ni Abad dahil naniniwala siyang tama lamang ang ginawa nito kaugnay ng DAP. Sa kabila ng pagdedeklarang unconstitutional, hanggang ngayon ay naninindigan ang Palasyo na wala silang ginawang mali kung ang pag-uusapan ay ang DAP.-DCR

 

 

 

 

Advertisements