2014 Gawad Plaridel: Nora Aunor pararangalan ng Unibersidad ng Pilipinas

Nora Aunor

2014 U.P. Gawad Plaridel awardees Nora Aunor Image from UP CMC

 

Napili para tumanggap ng  2014 U.P. Gawad Plaridel award ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.

Nakatakdang tanggapin ni Aunor ang parangal mula sa University of the Philippines College of Mass Communication (UP CMC) sa darating na Agosto 27.

Ang parangal ang pinakamataas at natatanging pagkilalang ibinibigay ng UP sa isang indibidwal dahil sa kanyang mahalagang kontribusyon sa industriya, mataas na antas ng propesyunalismo at paglilingkod sa bayang ipinamalas bilang isang alagad ng midya.

Ayon sa UP CMC, pararangalan ang Superstar dahil sa natatangi nitong galing bilang isang aktres at mang-aawit. Bukod dito ay kinikilala rin ng kolehiyo ang husay ni Aunor sa pagganap lalo na sa iba’t ibang karakter na ginampanan nito.

Ilan sa mga pelikulang nagpakita ng kahusayan ni Aunor bilang isang artista ayon sa kolehiyo ay ang Bona, Himala, Bakit May Kahapon Pa?, Naglalayag, Minsa’y isang Gamugamo, Fe, Esperanza, Caridad, Tatlong Taong Walang Diyos, Annie Batungbakal, Flor Contemplacion Story, at Thy Womb.

awardees

Image from: www.up.edu.ph

Ayon pa sa UP CMC, naitaas din ng aktres ang antas ng kalidad ng paggawa ng pelikula sa bansa dahil sa kanyang mga pelikulang Banaue, Alkitrang Dugo, Atsay, Mga Uod at Rosas at Tisoy.

Sinabi pa ng kolehiyo na naging instrumento ang Superstar upang lubos na tangkilikin ng mga Pilipino ang mga pelikula at palabas na nagpapakita ng tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino dahil sa kanyang popularidad at husay sa pagganap.

Bukod kay Aunor, ilan sa mga indibidwal na tumanggap na ng prestihiyosong Gawad Plaridel ay sina Eugenia Duran-Apostol (Journalism), Vilma Santos (Film), Tiya Dely Magpayo (Radio), Che-che Lazaro (Television), Pachico Seares (Community Print), Kidlat Tahimik (Independent Film), Lola Sela Cruz-Canlas (Radio), Rosa Rosal (Television) at Pete Lacaba (Print).

Ang parangal ay ipinangalan sa propagandistang si Marcelo H. del Pilar (Plaridel) na nagtaguyod ng repormistang pahayang La Solidaridad na naging boses ng mga nasyunalistang Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa bansa.

Bago ito ay  kinilala na ng grupong Gabriela ang galing ni Aunor bilang “Artista ng Bayan”.  Bukod sa nasabing parangal ay isang kampanya din ang isinusulong ng mga tagasuporta ng aktres para hirangin si Aunor bilang People’s National Artist.

Una na ring napasama sa listahan ng mga nararapat hirangin bilang Pambasang Alagad ng Sining ang pangalan ng Superstar subalit hindi ito nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III sa kadahilanang nasangkot umano sa kaso ng ilegal na droga ang aktres.

Sa gagawing pagpaparangal naman ng UP kay Aunor ay nakatakda nitong tanggapin ang isang tropeo na idinisenyo ng Pambansang Alagad ng Sining na si Napoleon Abueva. Bukod dito ay inaasahan din na magbibigay ng isang panayam si Aunor bilang bahagi ng pagkakahirang niya bilang Gawad Plaridel awardee para sa taong ito.-DCR

 

Advertisements