Tatlong Pinoy damay: Malaysian Airlines flight MH-17 bumagsak sa Ukraine

MH-17

Image retrieved from: www.safetravel.govt.nz

Patay ang hindi bababa sa 298 pasahero at crew na sakay ng Malaysian Airlines flight MH-17 matapos itong sumabog at bumagsak ng tamaan ng isang surface to air missile sa Ukraine malapit sa Russian border kahapon.

Nadamay sa malagim na insidente ang tatlong Pilipino na sakay ng Malaysian jetliner Boeing 777 na lumipad mula Amsterdam, The Netherlands patungo sanang Kuala Lumpur, Malaysia.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs Spokesman Asec. Charles Jose na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan para kumpirmahin ang ulat na may nadamay na mga Pinoy sa insidente.

Sa paunang pahayag sa media ni Malaysian Airlines vice president Huib Gorter, sinabi nitong mayroong 283 pasahero at 15 crew ang MH-17 flight. Aniya 154 sa mga pasahero ay Dutch, 27 ay Australian, 23 ay Malaysian, 11 ang mula sa Indonesia, anim na British, apat na Aleman, apat mula sa Belgium, tatlong Pilipino at isang Canadian.

Aniya hanggang sa ngayon ay nasa 50 pasahero pa ang patuloy na kinikilala.

Sinabi naman ng DFA na nakahandang tumulong ang mga embahada ng bansa sa Malaysia at The Netherlands sa mga pamilya ng mga nasawing Pinoy.

Patuloy pa rin ang pagtukoy kung sino ang responsable sa pangyayari. Kapwa nagtuturuan ngayon ang Russia at Ukraine sa kung sino ang may kasalanan sa insidente.

Sa ngayon ay patuloy rin ang paghahanap sa mga bangkay na maaaring makuha sa labi ng eroplano na bumagsak sa  bahagi ng Hrabove  (Russian: Grabovo) may layong 40 kilometro lamang mula sa hangganan ng dalawang bansa.

Agad nakinundena ni Malaysian Prime Minister Najib Razak ang insidente at nanawagan para sa mabilisang pagkakaroon ng hustisya.

Tinawag namang ‘terrorist attack’ ni Ukranian President Petro Poroshenko ang naganap na pagpapabagsak sa eroplano ng Malaysian Airlines.-DCR

 

 

 

 

Advertisements