Biyaheng Panulat caravan ng PUP aarangkada na sa July 24

PUP

Image from: PUP-CCW

Ilulunsad na sa darating na Huwebes (July 24) ng Polytechnic University of the Philippines Center for Creative Writing ang Biyaheng Panulat: Caravan para sa panulat na naghahanap sa Bayan.

Ang Biyaheng Panulat ay isang education campaign caravan tungkol pagbabasa, pagsusulat at pagpapalaganap ng panitikang Pilipino.

Partikular na nilalayon nito ang palaganapin pa ang literaturang Pilipino at ang pagsusulong ng makabayang panitikan.

Bukod dito ay papaksain din sa paglulunsad ng Biyaheng Panulat ang halaga ng Urban Poor Literature sa pagbuo ng pambansang panitikan pati na ang direksyong tinatahak at posible pang tahakin ng pagsusulat ng creative fiction sa Pilipinas.

Matapos ilunsad sa PUP ay planong ilibot ang caravan sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo sa buong bansa upang maabot ang mas malaking bilang ng mga guro, mag-aaral at manunulat.

Sa pasinayang magaganap sa Huwebes ay inaasahang dadaluhan ito ng ilan sa mga tanyag na manunulat at artista ng bansa pagdating sa larangan ng literatura.

PUP 2

Image from: PUP CCW

Ilan sa mga magbibigay ningning sa okasyon at magbibigay ng pampublikong lektura ay sina Jun Cruz Reyes, Ricky Lee, Lualhati Bautista, Eros Atalia, Manix Abrera, Bob Ong at ang pambasang alagad ng sining para sa literatura na si Dr. Bienvenido Lumbera. Bukod dito ay inaasahan ding dadalo sa okasyon sina Dong Abay at Lourd De Veyra.

Gaganapin ang paglulunsad bandang 1:00 ng hapon sa Claro M. Recto Hall, 6th floor South Wing, PUP Main Building.

Sa mga interesado, maaaring tumawag lamang sa 7167831 to 38 local 327 o mag-email sa ccwpup@yahoo.com

Ang Sentro ng Malikhaing Pagsulat ng PUP ay itinayo upang muling buhayin at palakasin ang kultura ng progresibo, makabayan at masining na pagsulat na huhubog sa kasanayan ng mga mag-aaral, guro at mga manunulat sa pagtatampok ng mga isyung pambayan, panlipunan at pangkasaysayan.-DCR

 

 

 

 

 

 

Advertisements