Ciudad de Victoria salamin ng mga nakamit na tagumpay ng Iglesia Ni Cristo-PNoy

PNoy 3

President Benigno S. Aquino III delivering his speech during the Inauguration of Ciudad de Victoria (City of Victory) in Bocaue, Bulacan. Image from: PNoy Facebook

Nakatanggap ng mainit na papuri at pagbati mula kay Pangulong Benigno Aquino III ang mga kaanib at ang mismong pamamahala ng Iglesia Ni Cristo matapos pasinayaan ngayong araw ang Ciudad de Victoria sa Bocaue, Bulacan.

Sa pangunguna nina PNoy at INC Executive Minister Ka Eduardo Manalo ay napasinayaan ang Ciudad de Victoria at ang Philippine Arena na unang gagamitin para pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng Iglesia sa darating na Linggo (July 27).

Ayon kay PNoy ang pagkakabuo ng Ciudad de Victoria ay kahayagan nang nagpapatuloy na pagtatagumpay ng Iglesia sa nakaraang isang siglo. “Narito nga po tayo ngayon upang saksihan ang makasaysayan ninyong pagdiriwang, na lalong nagbibigay-kulay sa inyong sentenaryo: ang paglulunsad ng Ciudad de Victoria. Angkop nga po ang pangalan ng lugar na ito na may kahulugang “Lungsod ng Tagumpay”—lalo pa’t sinasalamin nito ang mga nakamit na tagumpay ng Iglesia sa nagdaang siglo.”

Binigyang pansin ng Pangulo ang malalim na pagkakapatiran ng mga kaanib sa INC. Bukod dito ay pinapurihan din ni PNoy ang pamamahala ng Iglesia dahil sa pangangalaga nila sa mga kaanib.

INC Centennial Logo

The Iglesia Ni Cristo centennial logo

“Lubos po tayong humahanga sa matibay ninyong pagsasamahan sa Iglesia bilang isang pamilya at komunidad. Malinaw po sa akin hindi natatapos sa loob ng kapilya ang inyong pagbubuklod at pananampalataya. Hindi kayo nakukuntento sa pangangasiwa sa araw ng pagsamba; dinadalaw din ninyo ang inyong mga kaanib upang personal silang kamustahin at aktibo po silang hikayatin na makilahok sa mga gawain ng komunidad. Sa paraang ito, nababatid ninyo ang kanilang kalagayan at ang mga suliraning nakakaapekto sa kanilang kilos at pasya; nagagabayan n’yo sila upang mapatibay ang kanilang ugnayan sa kapwa, at ang pananalig sa Panginoon,” pahayag ng Pangulo.

Binati din ng Pangulo ang Iglesia sa nalalapit nitong pagdiriwang ng kanilang sentenaryo. Ayon sa Pangulo, matagumpay na naipalaganap ng Iglesia ang mga aral nito hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang panig na ng mundo.

PNoy 4

INC Executive Minister Ka Eduardo Manalo gave the souvenir coffee table book to President Benigno Aquino III during the inauguration of Ciudad de Victoria in Philippine Arena, Bocaue Bulacan Image from PNoy Facebook

“Binabati po natin ang lahat ng bumubuo ng Iglesia ni Cristo, sa pangunguna ng inyong Tagapamahalang Pangkalahatan na si Ka Eduardo Manalo. Binabati ko po kayo sa nalalapit ninyong ika-100 anibersaryo. Mula po sa pagkakatatag ng Kagalang-galang Felix Manalo, hanggang sa patuloy na paglago ng inyo pong kongregasyon, tinitingala ang Iglesia ni Cristo, hindi lang sa ating bansa, kundi maging sa iba’t ibang panig ng daigdig,” pahayag pa ng Pangulo.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa INC, lalo na sa pagmamalasakit nito sa mga mamamayan at sa pagiging kabalikat ng kanyang administrasyon sa pagpapatupad ng mabuting pamamahala. “Bukod sa Philippine Arena, nasasabik din tayo sa uusbong ditong iba pang pasilidad na maghahatid ng benepisyo, hindi lang para sa mga kaanib ng kongregasyon, kundi pati na rin sa lahat ng ating kababayan. Taos-puso po tayong nagpapasalamat sa Iglesia ni Cristo sa pagmamalasakit ninyo sa ating kapwa; tunay pong ipinapamalas po ninyo ito, hindi lang sa salita, kundi sa gawa. Maraming salamat po sa pagiging kabalikat ng ating administrasyon sa pagsusulong ng mabuting pamamahala,” pahayag pa ni PNoy.

PNoy 5

Image from PNoy Facebook

Bukod sa Pangulo ay dumalo rin sa pagpapasinaya ng Philippine Arena kanina sina Vice President Jejomar Binay, Executive Secretary Pacquito Ochoa, House Speaker Sonny Belmonte at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Namataan din sa pagtitipon sina DILG Sec. Mar Roxas, DPWH Sec. Rogelio Singson, dating first lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, Sen. Bongbong Marcos at dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada.

Ang Philippine Arena ang siya ngayong pinakamalaking indoor arena sa buong mundo na kayang maglaman ng hindi bababa sa 55,000 katao.

Sa Ciudad de Victoria naman ay nakatayo rin ang Philippine Stadium at Philippine Sports Complex. Dito rin inaasahan na itatayo ang Eraño G. Manalo Medical Center at ang sports facility ng New Era University.

Ayon naman sa INC, hindi lamang para sa kanilang ekslusibong gamit ang arena bagkus ay pwede itong gamitin ng iba’t ibang organisasyon.

INC1

Image from Eagle News PH

“This was built not only for the members of the Iglesia Ni Cristo, but for all the people. That is why it is called Philippine Arena.  Even if this is owned by the Iglesia Ni Cristo, Filipinos will benefit from it,” pahayag pa ni INC general auditor Glicerio B. Santos Jr.

Ang paggawa  ng Philippine Arena ay pinangasiwaan ng iba’t ibang mga kumpanya. Kabilang sa mga ito ay ang Populous mula sa Australia na namahala sa arkitektura, London-based Buro Happold para sa structural engineering, South Korea-based Hanwha E&C para sa mismong konstruksyon, PWP Landscape Architecture para sa landscaping at Canada-based Engineering Harmonics para sa audio at video design. Ang complex naman ay lalo pa umanong aayusin sa pangangasiwa ng San Jose Builders.-DCR

 

Advertisements