World’s biggest domed arena: Philippine Arena pinasinayaan na

PNoy 2

The world’s biggest dome arena, the Philippine Arena located in Ciudad de Victoria, Bocaue, Bulacan. Image from: PNoy Facebook

Pinasinayaan na ngayong araw ang Philippine Arena na ipinatayo ng Iglesia Ni Cristo sa Ciudad de Victoria sa Bocaue, Bulacan.

Ang pagpapasinaya sa pinakamalaking dome arena ngayon sa buong mundo ay pinangunahan nina Pangulong Benigno Aquino III at ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC na si Ka Eduardo Manalo.

Dumalo rin sa makasaysayang pangyayari ito hindi lamang para sa mga kaanib ng INC kundi sa buong bansa sina Vice President Jejomar Binay, iba’t ibang miyembro ng gabinete ng Pangulo at iba pang opisyal ng pamahalaan.

PNoy 1

President Benigno Aquino III (left) shakes hand with INC Executive Minister Bro. Eduardo Manalo during the inauguration of Ciudad de Victoria and Philippine Arena Image from: PNoy Facebook

Ang pagpapasinaya ngayong araw ay sinaksihan ng hindi bababa sa 50,000 katao sa loob mismo ng arena. Nasaksihan din ito sa iba’t ibang istasyon ng telebisyon at maging sa internet.

INC Centennial Logo

Sa kabuuan ay kayang maglaman ng Philippine Arena ng 55,000 katao. Ang pagpapasinaya ay bahagi ng pagdiriwang ngayong taon ng ika-100 taong anibersaryo ng INC. Sa Linggo July 27 ay inaasahan na unang gagamitin ang arena para sa pagtitipon ng mga miyembro ng INC sa paggunita ng kanilang sentenaryo.

Bago ang pasinaya ngayong araw, sinabi ni Police Regional Office-3 director Chief Superintendent Raul Petrasanta, na nasa halos 3,000 pulis ang kanilang itinalaga para mangalaga ng seguridad para sa nasabing okasyon.

Sa kabuuan ay aabot sa hindi bababa sa 75 ektarya ang kabuuang laki ng Ciudad de Victoria complex.

Bukod sa Philippine Arena ay itinayo rin sa lugar ang Philippine Stadium at Philippine Sports Center.

Sa hinaharap ay itatayo na rin doon ang Eraño Manalo Medical Center at pasilidad pang palakasan ng New Era University.

Umabot sa 30 buwan itinagal bago tuluyang natapos ang proyektong ito ng INC. Ayon sa kanila, nagmula ang ginugol para sa pagpapatayo nito sa mga tanging handog ng kanilang mga kaanib.

Sa ilang mga ulat ay aabot umano sa $200 million ang ginugol para maipatayo ang nasabing istruktura.

Ang paggawa  ng Philippine Arena ay pinangasiwaan ng iba’t ibang mga kumpanya. Kabilang sa mga ito ay ang Populous mula sa Australia na namahala sa arkitektura, London-based Buro Happold para sa structural engineering, South Korea-based Hanwha E&C para sa mismong konstruksyon, PWP Landscape Architecture para sa landscaping at Canada-based Engineering Harmonics para sa audio at video design. Ang complex naman ay lalo pa umanong aayusin sa pangangasiwa ng San Jose Builders.

Dahil sa laki, sinasabing kayang lamanin ng Philippine Arena ang tatlong beses na laki ng Mall of Asia Arena sa Pasay City at dalawang beses na laki ng Araneta Coliseum sa Quezon City. Sa ngayon, sumusunod na lamang na pinakamalaking dome arena sa buong mundo ang Gwangmyeong Velodrome, sa South Korea na kayang maglaman ng 30,000 manonood.

Ayon naman sa INC, hindi lamang para sa kanilang ekslusibong gamit ang arena bagkus ay pwede itong gamitin ng iba’t ibang organisasyon.

“This was built not only for the members of the Iglesia Ni Cristo, but for all the people. That is why it is called Philippine Arena.  Even if this is owned by the Iglesia Ni Cristo, Filipinos will benefit from it,” pahayag pa ni INC general auditor Glicerio B. Santos Jr.-DCR

 

 

 

 

Advertisements