13-anyos Pinay OFW binugbog at minaltrato ng amo sa Saudi Arabia

OFW 2

Image of abused 13 years old OFW in Riyadh. Photo from: Maria Elizabeth Embry Facebook

Inihihingi ngayon ng tulong  para agad na aksyunan ng gobyerno ang kaso ng isang 13-anyos na Pinay na minaltrato ng kanyang amo habang namamasukan bilang domestic helper sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sa ulat ng pahayagang Arab News, nabatid na ang menor de edad na biktima ay nagmula sa lalawigan ng Saranggani.

Ayon sa impormasyon, umalis ang biktima mula sa Pilipinas noong April 20 patungong Saudi. Lumalabas na pineke ng kanyang agency dito sa bansa ang pasaporte ng biktima upang makapagtrabaho ito.

Sa tulong naman ng isang human trafficking advocate na si Maria Embry ay naidulog na umano ang kaso ng pang-aabuso sa Pinay sa embahada ng Pilipinas sa Riyadh at maging sa mga opisina nina Vice President Jejomar Binay at Department of Justice Sec. Leila de Lima.

OFW 1

Image of maltreated underage OFW in Riyadh, Saudi Arabia

Sa post sa Facebook account ni Embry ay sinasabing nakaranas ng matinding pang-aabuso ang biktima. Nabatid na sinusuntok, nilalatigo,  sinasakal at iniuumpog ng kanyang amo ang ulo ng biktima sa pader bukod pa sa tinutusok nito ng matalim na bagay ang maselang parte ng katawan ng 13-anyos na Pinay.

Dahil sa matinding kalupitang naranasan ay tumakas ang biktima at nakarating sa Bahay Kalinga na pinatatakbo ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh noong July 5 lamang.

Ayon pa sa Arab News, simula noong Mayo ay may dalawang pang-aabuso na laban sa mga overseas Filipino worker ang naitala.

Kabilang sa mga ito ang pagkasunog ng balat ng isang Pinay matapos siyang buhusan ng kumukulong tubig ng kanyang amo noong May 4. Matapos ang insidente ay napaulat naman noong May 16 ang pagpatay sa isang Pinoy matapos siyang gahasain ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa disyerto. -DCR

Advertisements