19 sibilyan patay sa pananambang ng Abu Sayyaf

talipao

Image from: Wikipedia

Patay ang may 19 na sibilyan habang sugatan ang hindi bababa sa 13 katao matapos tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf  sa Barangay Lower Talipao, Talipao, Sulu.

Naganap ang pananambang ng mga bandido bandang 8:30 ng umaga kanina .

Kabilang sa mga napaulat na sugatan sa ambush ay mga batang kasamang magdiriwang sana sa pagtatapos ng Ramadan.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines – Western Mindanao Command Spokesperson Captain Rowena Muyuela, binabagtas ng mga biktima ang  daan sakay ng dalawang sasakyan patungo sa bayan ng Talipao upang dumalo sana sa pagdiriwang ng Eid’l Fit’r ng sila ay tambangan ng hindi bababa sa 50 miyembro ng Abu Sayyaf.

Ayon pa sa ulat ng militar, pinangunahan nina Idang Susukan at Sibih Pisih ang pag-atake.

Bukod sa mga sibilyan ay kasama din sa na-ambush ang mga miyembro ng Barangay Police Action Team.

Agad namang itinakbo sa Integrated Provincial Health Office ang mga sugatan habang patuloy pa ring inaalam ng militar ang motibo sa pananambang.

Bukod dito ay agad ding kinundena ng AFP ang naganap na pag-atake sa mga sibilyan. Sinabi pa ng militar na nagpapatuloy ang kanilang operasyon upang agad na mahuli at mapanagot ang mga responsable sa krimen.-DCR

Advertisements