Walong preso sa Gumaca district jail sa Quezon tumakas

gumaca

Image from: Wikipedia

Tumakas ang walong bilanggo na nakakulong sa Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) District Jail sa Gumaca, Quezon kaninang madaling araw.

Nakilala ang mga tumakas na sina  Florante Mergenio Arguelles – charged with murder Freddie Ordiales Nicol may kasong murder, Joseph Hulaton Alvarez  sangkot sa kasong car theft, Zeus Repia Nierva  may kasong robbery, Joel Cabardo Senosin  may kasong frustrated murder, Anthony Garcia Revilla may kasong  murder, Geraldel A. Cruz  sangkot sa robbery at Alejandro Pacuan Villa may kasong attempted murder.

Ayon kay Gumaca police chief Romulo Albacea, nilagari ng mga preso ang rehas na bakal ng kanilang selda saka sinamantala ang dilim para makatakas.

Ayon pa sa opisyal, isang linggo na mahigit na walang kuryente sa kanilang lugar matapos ang hagupit ng bagyong Glenda. Mas marami rin umano dapat ang nakatakas kung hindi lang nag-ingay ang iba pang preso dahilan para maalerto ang mga naka-duty na mga jail guard.

Sa isang ulat naman kanina ng DZMM correspondent na si Johnny Glorioso ay isa na mula sa walong pumuga ang nadakip ng mga awtoridad habang patuloy pang hinahanap ang ibang kasama nito.

Nakilala ang nadakip na si Alejandro Villa. Nahuli ito sa bahagi Barangay Angeles,  sa bayan ng Atimonan.-DCR

Advertisements