January 15-19: Pope Francis kumpirmadong bibisita sa Pilipinas

Pope Francis

Image from: CBCP News

Sigurado na ang pagdating sa bansa ni Pope Francis sa Enero ng susunod na taon.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa isang press conference.

Ayon sa kardinal, magsasagawa ng kanyang  apostolic vist sa bansa si Pope Francis mula Enero 15-19. Sa kabila nito ay sinabi ni Tagle na hindi pa nila alam ang detalye at mga lugar na pupuntahan ng Santo Papa at ang Vatican na umano ang mag-aanunsyo nito bago matapos ang taon.

“Accepting the invitation of the civil authority and the bishops, His Holiness Pope Francis will make an apostolic visit to Sri Lanka from Jan. 12 to 15 and to the Philippines from Jan. 15 to 19, 2015. The program of the visit will be made public by the Holy See later in the year,” pahayag pa ng kardinal.

Kabilang naman sa mga lugar na inaasahang pupuntahan ng Santo Papa ay ang mga lugar sa Kabisayaan na hinagupit ng bagyong Yolanda.

Bukod dito ay inaasahan din na pupuntahan ni Pope Francis ang University of Santo Tomas sa Maynila na pinatatakbo ng mga Dominikano.

“Mercy and Compassion” ang magiging tema ng pagbisita ng Santo Papa sa bansa. Kaugnay nito ay hinikayat ni Tagle ang milyun-milyong Katoliko at mga Pilipino sa bansa na ihanda ang kanilang mga sarili at patuloy na pag-ibayuhin ang pananalangin at pagbibigay ng tulong sa kapwa kasabay ng nalalapit na pagdating sa bansa ni Pope Francis.

Sinabi naman ni PCOO Sec. Sonny Coloma na nakikipag-ugnayan silang mabuti sa Papal Visit Committee para sa mga kinakailangang paghahanda para sa naturang okasyon. Itinalaga na rin umano si Executive Secretary Paquito Ochoa bilang lead person ng gobyerno para sa pagbisita ng Santo Papa.-DCR

 

 

Advertisements