Panukalang P2.6 trilyong budget para sa 2015 isinumite na sa Kongreso

Print

Image courtesy of DBM

Isinumite na ng Malacañang sa Kongreso sa pamamagitan ni Department of Budget and Management Secretary Florencio Abad ang panukalang budget para sa susunod na taon.

Aabot sa P2.606 trilyon ang ipinanukalang badyet ng Palasyo.

Ang halagang ito ay mataas ng 15.1% mula sa inaprubahang pambansang badyet ng Pangulo para ngayong 2014 na nagkakahalaga lamang ng P2.265 trilyon.

Kabilang sa mga malalaking paglalaanan ng pondo ayon sa dokumentong isinumite ng Malacañang ay ang para sa Social Services na aabot sa P967.9 bilyon, Economic Services P700.2 bilyon, at Defense na aabot sa P115.5 bilyon.

Kasama sa mga ahensya ng gobyerno na nagpanukala ng malalaking badyet para sa 2015 ay ang Department of Education (P365.958B), Department of Public Works and Highways  (P300.519B), Department of National Defense (P144.036B), Deparment of Interior and Local Government (P141.423B), Department of Social Welfare and Development (P108.97B),  Department of Health (P102.178B), Department of Agriculture (P88.818B),  Department of Transportation and Communication (P59.463B), Department of Environment and Natural Resources ( P21.290B) at Hudikatura (P20.285B).

Inaasahan naman na magigisa sa budget deliberation sa Kongreso ang mga miyembro ng gabinete ni PNoy lalo na si Abad dahil pa rin sa mainit na usapin tungkol sa Disbursement Acceleration Program o DAP.

Sa kanya namang mensahe sa Kongreso ukol sa panukalang 2015 budget ay muling ipinagtanggol ni PNoy ang DAP.  “While we respect the authority of the Supreme Court, we humbly believe that its decision on the DAP failed to consider all our legal bases; more so that it hinged on a rigid and inflexible conception of public finance.”

Kasunod nito ay muling iginiit ng Pangulo ang ginawa nilang pagsasampa ng motion for reconsideration laban sa desisyon ng korte sa DAP. Aniya, dapat masigurado hindi dapat nakatali ang kamay ng gobyerno sa paggasta ng kaban ng bayan para sa mas mabilis at episyenteng paggamit nito sa mga programa ng gobyerno.

“Pinaiigting lamang ng pangyayaring ito ang sama-sama nating pagtahak sa Daang Matuwid. Higit na malinaw ang ating landas tungo sa tunay na pagbabago. Mga kapwa lingkod bayan: nararapat lang na ipagpatuloy natin ang laban,”  pahayag pa ng Pangulo

Hindi naman kasama sa panukalang budget para sa susunod na taon ang nakagawiang Priority Development Assistance Fund para sa mga kongresista at senador matapos itong ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema.-DCR

Advertisements