PUP Law Student Council nanawagan na rin ng impeachment laban kay PNoy

Sumama na rin sa panawagang impeachment laban kay Pangulong Benigno Aquino III ang Polytechnic University of the Philippines College of Law Student Council.

Ginawa ng PUP College of Law Student Council ang pahayag sa gitna pa rin ng kontrobersyang kinasasangkutan ng administrasyong Aquino matapos nitong ipatupad at ideklara naman ng Supreme Court ang ilang probisyon ng Disbursement Acceleration Program (DAP) bilang unconstitutional.

Nananawagan ang grupo sa Pangulo na harapin nito ang isyu at hayaang gumulong ang proseso ng impeachment. 

“In light of the recent events and actions of President Benigno Aquino III, we the students of the PUP College of Law demand that he respect the impeachment process and face the music.”

Una ng sinabi ng mga kakampi ng Pangulo sa Kamara na hindi nila palulusutin ang anumang pagtatangka na mapatalsik si PNoy sa pamamagitan ng impeachment.

Iginiit naman ng PUP College of Law Student Council na lumabag sa Konstitusyon si PNoy ng ipatupad nito ang DAP.

“President Aquino is guilty of culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust for his hand in the Disbursement Acceleration Program (DAP). The power of the purse is vested in the Congress. The doctrine of Separation of Powers as provided by our laws has specifically given this power to the legislative branch of government so why is the President meddling his hands into this task?”

Sa kasalukuyan ay nakahain sa Kamara ang tatlong impeachment complaint laban kay PNoy.

Hindi rin tinanggap ng mga mag-aaral ng abogasya sa PUP ang katwiran ng Ehekutibo na “in good faith” ang pagkakagamit sa DAP. Kasunod nito ay inakusahan pa ng grupo ang administrasyon na ginamit ang DAP bilang panuhol sa mga kakampi nito.

Una ng lumabas ang balita na ang DAP ay ginamit ng administrasyon bilang insentibo sa mga mambabatas na pumabor para mapatalsik sa pwesto si dating Chief Justice Renato Corona.-DCR

Advertisements