Barkong pandigma na ibibigay ng SoKor sa Pilipinas tinututulan ng China

Pohang class

Pohang-class Corvette (Geyongju) Image from: www.rhk111smilitaryandarmspage.com

Tinatangkang harangin ng China ang gagawing pagbibigay ng barkong pandigma ng South Korea sa Pilipinas.

Base sa ulat ng pahayagang The Chosunilbo, mariin umano ang pagprotesta ng China hinggil sa desisyon ng South Korean government na bigyan ng barkong pandigma ang bansa.

Ang pagbibigay ng barkong pandigma sa Pilipinas ng SoKor ay batay sa pakikipag-usap ni Department of National Defense Sec. Voltaire Gazmin kay dating Korean Defense Minister Kim Kwan-jin noong Mayo 30.

Bago ito ay lumabas na sa mga balita na tatanggap ang Pilipinas ng isang Pohang-class guided missile corvette mula sa SoKor bilang tanda ng pasasalamat nila sa mga Pilipino matapos ang pagtulong natin noong Korean War.

Ayon pa sa pahayagan, isa umanong opisyal mula sa Korean Foreign Ministry ang nagsabi na isang opisyal mula sa Chinese Embassy sa Seoul ang nagtungo sa kanilang tanggapan noong June 10 at hiniling na huwag ng ituloy ng SoKor ang planong pagbibigay ng barko de gyera sa Pilipinas.

Ang mga hakbang na ito ng China ay nagaganap sa gitna ng sigalot kaugnay sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Bukod naman sa pagbibigay ng barko ay may kontrata ng pinirmahan ang SoKor at Pilipinas kung saan sila ang magiging supplier ng bansa para sa 12 bagong FA-50 multi-purpose fighter jet. -DCR

Advertisements