Gen. Palparan nadakip na

Palparan

 

Matapos ang mahabang panahon ng pagtatago ay nadakip na ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti Organized  Crime Division at Armed Forces Naval Intelligence Group si dating Maj. Gen. Jovito Palparan Jr.

Nadakip si Palparan kaninang madaling araw sa kanyang pinagtataguan sa isang gusali sa Sta. Mesa, Maynila.

Agad namang idinala sa tanggapan ng NBI ang nadakip na dating heneral.

Ayon sa mga umaresto, hindi naman nanlaban pa ang heneral at maayos na sumama ito sa kanila.

Base sa panayam ng programang Unang Hirit ng GMA-7 kay Department of Justice Sec. Leila de Lima kanina, ay sinabi nitong magdamag na tiniktikan ng mga tauhan ng gobyerno ang pinagtataguan ni Palparan at ng makumpirma ang heneral nga ang nasa lugar ay agad na itong dinakip.

Ayon pa sa kalihim, pansamantala munang mananatili sa kustodiya ng NBI ang dating heneral habang ipinoproseso ang dapat pagdalhan dito.

Sa panayam naman ng programang Umagang Kay Ganda kay Mrs. Concepcion Empeño, ina ng isa sa mga nawawalang estudyante ng University of the Philippines na si Karen Empeño ay sinabi nitong ikinatutuwa nila ang pagkakadakip sa heneral.

Naging emosyonal si Mrs. Empeño sa kanyang panayam at sinabing sana ay ito na ang simula ng paggulong ng kaso laban kay Palparan kasabay ng pag-asang makikita pa ang kanyang anak na nawawala simula pa noong June 2006.

Si Palparan ay matagal ng hinahanap ng batas at kasama sa Five Most Wanted Personalities ng bansa dahil sa warrant of arrest na inilabas ng Malolos Regional Trial Court Branch 14 laban dito.

Ang dating heneral ay nahaharap sa two counts ng kasong kidnapping at serious illegal detention para sa sinasabing pagdukot sa mga aktibistang sina Empeño at Sherlyn Cadapan noong June 2006 sa Malolos, Bulacan.-DCR

Advertisements