Palparan dapat mabulok sa kulungan- KMU

Palparan

Former Maj. Gen. Jovito Palparan Image from KMU Facebook

 

Dapat na mabulok sa kulungan si dating Maj. Gen. Jovito Palparan.

Ito ang mariing pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) matapos ang pagkakadakip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa dating heneral kaninang medaling araw sa Sta. Mesa, Maynila.

Ayon sa KMU, ang pagkakadakip sa tinawag nilang berdugong si Palparan ay tagumpay ng sambayanan kaugnay ng patuloy na pakikibaka  upang makamit ang tunay na karapatang pantao at hustisya.

“The arrest this morning of the notorious butcher retired Maj. Gen. Jovito Palparan is a victory of the Filipino people’s relentless struggle for human rights and justice,” pahayag ng KMU.

Ayon pa sa grupo, hindi maaaring gamitin sa pagpapapogi ng administrasyong Aquino ang pagkakadakip kay Palparan.

Anila, kahit kalian ay hindi umano nakapagsampa ang administrasyong PNoy ng kaso kaugnay sa paglabag sa mga karapatang pantao laban kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung saan nanilbihan ang nadakip na heneral.

Muli ring ipinanawagan ng KMU ang pagkamit ng hustisya para sa lahat ng biktima ni Palparan kasunod ng pagsasabing hindi dapat mabigyan ng anumang ispesyal na pagtrato ang heneral at dapat na itong papanagutin agad ng gobyerno sa mga kasong isinampa laban dito.-DCR

 

Advertisements