Anne Curtis at Kuya Kim mga bagong ‘disaster ambassador’ ng Project NOAH

Anne

Image courtesy of Candeze Mongaya

Tiyak na mas marami na ang maaabot ngayon ng mga impormasyong  ilalabas at ibabahagi ng Department of Science and Technology (DOST) Project NOAH (Nationwide Operational Assessment Hazards).

Ito ay dahil katuwang na nila sa pagbibigay impormasyon sa publiko gamit ang social media ang mga bago nilang ‘disaster ambassador’ na sina Anne Curtis at Kim Atienza.

Kaninang umaga ay pormal ng nakipagkita sina Kuya Kim at Anne kay Project NOAH executive director Dr. Mahar Lagmay upang pag-usapan ang maitutulong ng dalawa para sa promosyon ng Project NOAH website at iba pang apps ng nasabing disaster and weather monitoring arm ng gobyerno.

Una ng sinabi ni Lagmay na kukunin nila ang tulong ng mga celebrity para sa pagpapakalat ng mg impormasyon tungkol sa bagyo at iba pang kalamidad dahil na rin sa laki ng followers ng mga ito sa social media at sa impluwensyang naidadala nila sa publiko.

Ilang beses na ring napatunayan ng Project NOAH ang pagiging mabisa nito lalo na sa panahon ng bagyo at kalamidad tulad noong panahon ng pagtama ng bagyong Pablo sa bansa.

Ang Pilipinas ay dinadaanan taun-taon ng hindi bababa sa 20 bagyo kung kaya napakaimportante ng mga celebrity tulad nina Anne at Kuya Kim na tutulong sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Project NOAH para sa pagpapakalat ng impormasyon at pagbibigay babala sa publiko upang makapaghanda sa anumang kalamidad.-DCR

 

Advertisements