PNoy bukas na sa Charter Change

PNoy

Image from: PNoy Facebook Page

Bukas na si Pangulong Benigno Aquino III para sa posibleng Charter Change (Chacha) at pag-amyenda sa ilan pang probisyon ng Saligang Batas. Ito ang inihayag ng Pangulo matapos kapanayamin ni Atty. Mel Sta. Maria ng TV5.

Ayon sa Pangulo, kung dati ay talagang sarado ang kanyang isip sa ChaCha ngayon ay tila napag-iisipan na niya ito.

Bago nito, bago nangyari lahat ng ito, sarado….aminado ako pero ngayon, napapag-isip ako talaga… yung tinatawag na judicial reach,” pahayag ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, tila sobra ang kapangyarihang taglay ng Hudikatura kung kaya naiisip niya ang pag-amyenda sa Konstitusyon para mabawasan ito.

Sinabi ng Pangulo ang pahayag na ito sa gitna ng namumuong banggaan sa pagitan ng Hudikatura laban sa Ehekutibo at Lehislatura.

Una ng idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang ilang probisyon ng Disbursement Acceleration Fund (DAP) na patuloy namang pinaninidigan ni PNoy na tama lamang at wala mali sa pagkakagawa.

Nitong nakaraang linggo din ay ipinatawag ng Kamara si Chief Justice Maria Lourdes Sereno para sa isang committee hearing tungkol sa Judicial Development Fund (JDF) na balak ngayong tanggalin ng Kongreso.

Bukod dito ay patuloy rin ang panawagan ng mga kakampi ng Pangulo sa mga mahistrado ng SC na isapubliko na ng mga ito ang kanilang Statement of Assets and Liabilities.

Bago ito ay tahasang kinalaban ng Malacañang at Kongreso ang Hudikatura ng patalsikin nila sa pwesto si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Sa kabila ng bukas na isip para sa ChaCha ay sinabi naman ni PNoy na may agam-agam pa rin siya dito dahil baka matanggal ang magagandang probisyon ng Saligang Batas. |

“I am sure marami pa pong provisions na maaaring i-finetune. Maaaring i-update. Ang kinakakabahan ko noong araw naman, baka naman ho yung magagandang provision diyan e ma-dilute,” pahayag ni PNoy.    

TERM EXTENSION

Sa nasabi ring panayam ng TV5 ay tila nagparamdam na rin ng kanyang pananaw para isinusulong na term extension ang Pangulo.

Lumabas ang isyu ng term extension ni PNoy matapos sabihin ni Caloocan Rep. Edgar Erice na isusulong niya sa Kamara ang pagdaragdag sa taon ng panunungkulan ni Aquinio upang maipagpatuloy nito ang pamamahala sa bansa.

Uminit pa ang isyu ng sabihin ng napupulsuhang standard bearer ng Liberal Party na si DILG Sec. Mar Roxas na kung siya ang masusunod ay gusto niyang isulong ang term extension ng Pangulo.

Ayon kay PNoy, sa usaping ito ay nais niyang pakinggan kung ano ang gusto ng kanyang mga “Boss” o ng taumbayan.

“Nung pinasukan ko ito, ang tanda ko one term of six years…Ngayon, after having said that, syempre ang mga boss ko, kelangan kong pakinggan ‘yon.”

“Hindi naman ibig sabihin..na automatic na hahabol pa ako na  magkaroon pa ako ng dagdag dito, ‘no?,” pahabol ni PNoy.

Sa panayam naman kahapon ng mga mamamahayag kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sinabi nitong nakabatay pa rin sa desisyon ni PNoy ang usapin tungkol sa term extension. “The ultimate decision lies with the President,” pahayag nito.

Sa kasalukuyang Konstitusyon ng bansa, nakasaad sa Article VII Section 4 nito na hindi na pinapayagan pa ng Saligang Batas ang re-eleksyon sa kahalintulad na posisyon ng sinumang Pangulo o sinumang indibidwal na humalili sa Pangulo at nanungkulan sa loob ng mahigit apat na taon.-DCR

Advertisements