Mga opisyal ng Kalayaan tinangkang harangin ng Chinese Coast Guard

Tinangka umanong harangin ng mga miyembro ng Chinese Coast Guard ang isang bangka habang lulan nito ang mga opisyal ng munisipyo ng Kalayaan, Palawan.

Sa ulat ng abscbnnews.com, naganap ang insidente noong August 1.

Sakay umano ng isang bangka para maghatid ng suplay sa mga sundalong Pilipino sa Ayungin Shoal ang grupo ni Kalayaan executive assistant Joey Vincent Rabanal ng harangin sila ng Chinese Coast Guard Ship 3111.

Nabatid na tinangkang harangan ng naturang barko ang bangka ng mga opisyal ng Kalayaan.

Sa kabila nito ay nakapagmaniobra ang mga Pilipino at dumaan sa mababaw na bahagi ng tubig kung kaya hindi na sila nasundan pa ng mga Tsino at nagtuloy-tuloy na patungo sa BRP Sierra Madre na kanilang destinasyon.

“Pagod na pagod ka na at basa ka ng 24 hours biglang haharangin ka pa ng Chinese Coast Guard. May tinatawag tayong freedom of navigation sa dagat. Nakakabahala lang dahil sa freedom of innocent passage, dapat makakarating ka sa pupuntahan mo ng walang gagambala,” pahayag pa ni Rabanal.

Hindi ito ang unang pagkakataon na tinangka ng mga miyembro ng Chinese Coast Guard na harangin ang mga supply vessel ng pamahalaan patungo sa Ayungin.

Noong March 29 ay tinangka na rin harangin ng mga miyembro ng Chinese Coast Guard ang isang sasakyang pandagat ng bansa na magdadala ng mga supply at kapalit na personnel sa Ayungin Shoal.

Noong Mayo ng kasalukuyang taon din habang pabalik sa Balabac, Palawan ang grupo ni Kalayaan Mayor Eugenio Bito-onon Jr. ay sinundan ito ng barko ng China matapos dumaan sa bahagi ng Ayungin Shoal.

Ang agresibong aktibidad ng China sa West Philippine Sea ay nagpapatuloy sa gitna ng agawan ng teritoryo sa lugar. Bukod sa China at Pilipinas ay may mga inaangkin ding isla sa lugar ang Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan.-DCR

 

 

Advertisements