Ramon Bautista welcome pa rin sa Davao City- Mayor Duterte

Duterte and Bautista

Davao City Mayor Rodrigo Duterte (left) and TV Host Ramon Bautista (right) Image courtesy of TV5 Facebook

Welcome pa rin sa Davao City ang komedyante at TV host na si Ramon Bautista.

Ito ang sinabi ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte matapos ideklara ng Sangguniang Panlungsod si Bautista bilang persona non grata dahil sa pagtawag ng “Hipon” sa mga Dabawenya.

“Ang taong naghingi ng patawad, okay na. Sorry is sorry. Ano pa ba ang kailangan niyo sa kanya. He is always welcome here. He was man enough to admit it,” pahayag pa ng alkalde sa panayam ng Sun Star Davao.

Naganap ang insidente noong gabi ng August 16 sa programang dinaluhan ng TV host dahil sa Kadayawan Festival.

Ang pagtawag ng hipon ni Bautista sa mga Dabawenya ay agad na umani ng batikos hindi lang sa mga taga Davao kundi pati na rin sa mga netizens na nakaalam ng insidente.

Bago naman tuluyang lisanin ni Bautista ang entablado ng gabing iyon ay agad itong humingi ng sinserong paumanhin sa lahat ng mga taga Davao at sa mga nasaktan sa kanyang sinabi. Ginawa ni Bautista ang paghingi ng paumanhin habang nakamasid sa kanya sa gilid ng entablado si Davao City Vice Mayor Pulong Duterte.

Sa kanya namang Twitter at Facebook account ay sinabi ni dating Davao City Mayor Sara  Duterte-Carpio ang kanyang saloobin kay Bautista.

Ayon sa dating alkalde, sana ay gamitin ni Bautista sa positibong paraan ang impluwensya nito lalo na sa mga kabataan.

“Ramon Bautista, if I do not tell you that you are wrong, then who will? I have 2 small children growing up in a society where abuse, parental neglect, corruption, injustice and senseless killings are as common as candies on the store shelf. Totoo meron mga babae na hindi desirable ang mukha at napaka seksi ng katawan, pero kelangan mo ba turuan ang mga bata kung paano mangantiyaw ng Hipon? Kung sa darating na panahon magkaroon ka ng babaeng anak na ganito, don’t teach her to roll with the punches of bullying, teach her to stand up and fight, teach her respect. Comedian ka pala, the great comedians that I know use their wit and do not toilet trash women. You have the power of influence, use it positively,” pahayag pa ng dating mayor.

Sa kanya namang Twitter at Facebook account ay sinserong humingi ng paumanhin si Bautista sa pangyayari at sinabi ring tinatanggap niya at inirerespeto ang naging hakbang ng Davao City Council hinggil sa kanyang ginawa.-DCR

 

 

 

 

Advertisements