Walang Pasok: August 21 at 25 holiday

Holiday

Image courtesy of DWBR Facebook Page

 

Halos magkakasunod na holiday ang pwedeng ma-enjoy ng mga mag-aaral at manggagawa ngayong Agosto.

Bukas Agosto 21 Huwebes ay walang pasok matapos ideklara ng Malacañang ang petsang ito bilang special non-working holiday.

Matapos ito ay gugunitain naman ng bansa sa darating na Lunes August 25 ang National Heroes Day na isang regular holiday.

Ang Agosto 21 ng bawat taon ay idineklara bilang Ninoy Aquino day sa bisa ng RA 9256 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004.

Dahil ipit ang Biyernes (August 22) ay nilinaw ng Malacañang na ito ay regular working day pa rin na nangangahulugan na may pasok dapat sa lahat ng tanggapan at paaralan.

Hindi naman lubusang madidiskaril ang mga may plano para sa long weekend kahit na may pasok pa rin sa Biyernes dahil deklarado pa ring holiday ang August 25.

“Yung sa darating na Biyernes (August 22) ay regular na araw ng pagtatrabaho dahil hindi po ito kasama sa deklarasyon ng holiday,” pahayag pa ni PCOO Sec. Sonny Coloma sa panayam ng dzRB.

Bukod naman sa naunang dalawang nabanggit na holiday, ang Quezon City, Quezon at Aurora Province ay nagkaroon din ng special holiday matapos ipagdiwang nito lamang Martes (August 19) ang kapanganakan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.

Ngayong taon ay mayroon na lamang natitirang pitong holiday ang bansa base sa ilalim ng Proclamation 655 ng Palasyo.

Kasunod nito ay muli ring nagpapaalala ang Department of Labor and Employment sa lahat ng employer sa bansa na sundin ang gabay para sa tamang pagpapasahod lalo na sa mga manggagawa na papasok sa dalawang magkasunod na holiday ngayong Agosto.-DCR

 

Advertisements