Malakihang kilos protesta sa Luneta laban sa pork barrel umarangkada na

Luneta protest

Million People March protest in Luneta last August 26, 2013 Image from: Paulo Alcazaren and GMA News Online

Kasado na ngayong araw ang malakihang protesta sa Luneta Park sa Maynila laban sa lahat ng uri ng pork barrel na tinawag na “Stand Up, Sign Up Against All Pork”.

Pangungunahan ng Abolish Pork Movement ang malakihang kilos protesta na inaasahang dadaluhan ng iba’t ibang sektor.

Kabilang sa mga dadalo sa malakihang pagkilos na ito ay ang mga estudyante mula sa iba’ t ibang pamantasan, mga relihiyoso, at mga kasapi ng iba’t ibang civic organizations.

Bukod sa protesta laban sa katiwalian ay kasama rin sa programa ang paggunita sa unang anibersaryo ng Million People March na ikinasa noong nakaraang taon.

Ilulunsad din sa Luneta ang signature campaign para sa isinusulong na People’s Initiative.

Layon nito na makalikom ng humigit kumulang anim na milyong pirma para makagawa ng isang batas na tuluyang magbabawal sa lahat ng porma ng pork barrel. Una ng inilunsad sa Cebu City noong Sabado ang People’s Initiative campaign.

Kasama rin sa protesta ang grupong Bayan na magsisimulang mag martsa ngayong umaga sa bahagi ng Kalaw patungong Luneta. Nakatakdang tapusin ng grupo ang kanilang kilos protesta mamayang hapon sa Mendiola.

Kabilang pa sa mga grupong kasama sa malakihang pagkilos ngayong araw sa Luneta ay ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP), Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), National Council of Churches in the Philippines (NCCP), Scrap Pork Network, Volunteers Against Crime and Corruption, Concerned Citizens Movement, Youth ACT Now!, Babae Laban sa Katiwalian, at Church People’s Alliance Against Pork Barrel.-DCR

Advertisements