The greatest escape: Pinoy peacekeepers matagumpay na nakaligtas kontra Syrian rebels

Filipino Peacekeepers

7th Philippine peacekeeping force during their send off ceremony last October 2013. Image from: AFP-PAO and inquirer.net

 

“The greatest escape.”

Ganito tinawag at inilarawan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang ang matagumpay na pagtakas at pagkakaligtas ng may 40 Filipino peacekeepers matapos ang ilang araw na standoff at halos pitong oras na pakikipagbakbakan laban sa mga Syrian rebels mula sa Position 68 sa  Golan Heights.

Naganap ang pagtakas at pagkakaligtas ng mga Pinoy peacekeeper kahapon ng 5:00 ng madaling araw matapos maglakad ng halos dalawang oras ang mga ito sa kubli ng dilim patungong Position 80 kung saan naghihintay ang mga kasama nilang tropa mula sa United Nations.

Nasa kabuuang 75 Pinoy peacekeepers ang tinangkang pasukuin at salakayin ng mga Syrian rebel sa Position 68 at 69. Una ng nailigtas ng mga Irish peacekeepers ang 35 Pinoy mula sa Position 69.

Nagsimula ang insidente ng sumuko at mabihag ng mga rebelde ang mga Fijian peacekeeper. Dito na tinangka ng mga rebelde na isunod na pasukuin at salakayin ang pwestong hawak ng mga Pilipinong sundalo. Sa kabila nito ay nanindigan ang mga Pinoy na hindi susuko o ibibigay ang kanilang armas sa mga rebelde dahil na rin sa posibilidad na maging bihag din sila ng mga ito.

Nabatid na nagkaroon ng direktang pakikipag-ugnayan ang grupo ni Capt. Nilo Ramones na siyang commander ng Filipino peacekeepers sa Position 68 kay Catapang.

AFP

Top security officials together with AFP Chief of Staff Gregorio Catapang, DND Sec. Voltaire Gazmin and DFA Sec. Albert Del Rosario cheered after the Pinoy peacekeepers made the “the greatest escape” against Syrian rebels in Golan. Image from: inquirer.net

Ayon kay Catapang, siya ang nagbigay ng kautusan sa mga sundalong Pinoy na huwag susuko sa kabila ng pagsasabi ni United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) commander Iqbal Singh Singha sa mga ito na sumuko na at ibigay sa mga rebelde ang kanilang mga armas.

Abut-abot na papuri naman ang tinatanggap ngayon ng mga Pinoy peacekeeper dahil sa pangyayari.

Ayon sa pamahalaan, ang ipinamalas na katapangan ng mga Pinoy peacekeepers ay tanda ng commitment ng bansa sa UN.

Hindi na rin muna ipu-pullout sa Golan Heights ang mga sundalong Pinoy at sa halip ay tatapusin na ng mga ito ang kanilang tour of duty na magtatapos sa Oktubre.

Isang hero’s welcome din ang inihahanda para sa mga Pinoy peacekeeper dahil sa pangyayari.

Hanggang sa kasalukuyan naman ay nananatiling bihag ng mga rebeldeng Syrian ang 43 Fijian peacekeepers kung saan nagpapatuloy pa rin ang pakikipagnegosasyon ng UN para sa kalayaan ng mga ito.-DCR

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements