Pangalang ‘Kanor’ hindi na gagamitin ng PAGASA

Storm image

Typhoon image inside Philippine area of responsibility Image from: www.quotednews.com

Pinalitan na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pangalang “Kanor”  sa listahan ng mga pangalan ng bagyo na ginagamit ngayong 2014.

Imbes na “Kanor” ay “Karding”  na ang gagamitin ng PAGASA para sa ika-11 bagyo na papasok sa Philippine area of responsibility.

Sa panayam ng dzBB kagabi kay PAGASA weather forecaster Fernando Cada sinabi nito na nais ng kanilang ahensya na maging seryoso ang publiko sakaling magbigay sila ng impormasyon hinggil sa bagyo.

Aniya, imbes na maging katawatawa ay pinili ng PAGASA na ibahin ang pangalan ng ika-11 bagyo na tatama sa bansa para mas seryosohin ito  ng publiko.

Una ng naging sikat ang pangalang “Mang Kanor”  sa bansa partikular sa mga gumagamit ng internet dahil na rin sa pagkalat ng serye  ng sex video nito.

Nitong nakaraan lamang ay muling kumalat sa internet ang isang balita  tungkol sa pagpanaw ng sinasabing “Mang Kanor”.

Wala namang makapagbigay ng detalye kung totoo nga ba ang balitang ito. Ayon pa sa ilang impormasyon, dating pulis ang sinasabing “Mang Kanor” bago ang pagkalat ng kanyang sex video.

Sinabi pa ni Cada na desisyon ng mga matataas nilang opisyal sa PAGASA ang pagpapalit sa pangalan ng bagyo.

“Baka ma-headline, ‘Pilipinas binayo ni Kanor’ so baka imbes na mag-prepare tayo sa disaster, baka maging focus pa sa social media,” pahayag pa ni Cada.

Sa ngayon ay may dalawang low pressure area na binabantayan ang PAGASA at ang isa umano rito ay posibleng maging bagyo na kung matutuloy ay siyang paggagamitan ng pangalang “Karding”.-DCR

 

Philippine typhoon names for 2014

  • GATON
  • BASYANG
  • CALOY
  • DOMENG
  • ESTER
  • FLORITA
  • GLENDA
  • HENRY
  • INDAY
  • JOSE
  • KARDING
  • LUIS
  • MARIO
  • NENENG
  • OMPONG
  • PAENG
  • QUEENIE
  • RUBY
  • SENIANG
  • TOMAS
  • USMAN
  • VENUS
  • WALDO
  • YAYANG
  • ZENY
 
Auxillary names 
AGILA
BAGWIS
CHITO
DIEGO
ELENA
FELINO
GUNDING
HARRIET
INDANG
JESSA

 

 

Advertisements