Palparan pinayagang mapunta sa kustodiya ng Philippine Army

Maj. Gen. Jovito Palparan

Ret. Major General Jovito Palparan Image from: taroogs.wordpress.com


Nasa kustodiya na ngayon ng Philippine Army sa Fort Bonifacio si Ret. Major General  Jovito Palparan.

Ito ay matapos pagbigyan ng Malolos Regional Trial Court Branch 14 ang mosyon ni Palparan na mailipat siya ng kulungan.

Sa desisyong inilabas ng korte ngayong araw, pinayagan nito si Palparan na mailagay na sa  Philippine Army Custodial Center sa Fort Bonifacio.

Una ng nagpetisyon si Palparan sa korte na mailipat ito ng kulungan dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay sa Bulacan Provincial Jail kung saan siya kasalukuyang nakadetine.

Pinagbigyan ng korte ang mosyon ni Palparan sa kabila ng mariing pagtutol dito ng prosekusyon sa katwirang ang paglalagay kay Palparan sa kustodiya ng mga dating kasama sa militar ay isang porma ng special treatment.

Una ng nagsampa ng mosyon ang dating heneral sa korte para makapanatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation na hindi naman pinagbigyan ng korte.

Agad namang binatikos ng grupong KARAPATAN ang pagpayag ng Malolos RTC na mailipat ang dating heneral sa kustodiya ng Philippine Army.

Ayon kay KARAPATAN secretary general Cristina Palabay, ang desisyon ngayong araw ng korte ay isang porma ng “belated birthday gift” umano ni Pangulong Aquino kay Palparan.

“The military moved heaven and earth for this, as what they have done to protect their own and justify the numerous human rights violations committed. We condemn this grave travesty of justice, as it further reveals the impunity that pervades under BS Aquino,” pahayag pa ni Palabay.

Si Palparan ay nakapiit dahil sa kasong isinampa laban dito matapos ang pagkawala ng mga UP student na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.-DCR

Advertisements