“Ang pangarap ng marami naging totoo sa Makati.” – VP Binay

Vice President Binay

Vice President Jejomar Binay Image from: Jojo Binay Facebook Page

 

“Ang pangarap ng marami naging totoo sa Makati.”

Ito ang isinagot ni Vice President Jejomar Binay sa kanyang mga kritiko matapos ang kanyang talumpati sa Philippine International Convention Center ngayong araw.

Ginawa ni Binay ang talumpati sa harap ng umiinit na kontrobersya at pag-iimbestiga ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y overpriced na Makati City Hall Building II.

Ayon sa pangalawang pangulo, lumang tugtugin na ang mga ipinaparatang sa kanya at sa kanyang pamilya ng mga dating nakasama sa pulitika.

“Hindi na bago ang mga paratang nila sa akin. Tuwing halalan na lang sa Makati, ang ganitong kasinungalingan ay nilalako at binubuhay ng aking mga kalaban sa pulitika,” pahayag pa ni Binay.

Tahasan ding binatikos ni Binay ang dati nitong vice mayor sa Makati na si Ernesto Mercado. Aniya, pawang hearsay lamang umano ang pinagsasabi nito sa pagdinig ng Senado kasama ng iba pang testigo na nag-aakusa sa kanila ng korupsyon.

Sinabi pa ng bise presidente na kung may komisyon man na nakuha si Mercado gaya ng pag-amin nito sa Senado ay siguradong ito ay para sa pansarili lamang ng dating bise alkalde.

Ayon pa kay Binay, hindi tatayo sa anumang hukuman ng batas ang mga ipinaparatang sa kanya ng mga katunggali sa pulitika.

“Wala sa ipinangangalandakan nilang ebidensya ang tatayo sa hukuman ng batas kaya ipinapalabas na lang nila sa mala-circus na pagdinig sa Senado,” ayon pa kay Binay.

“Mr. Vice President, ano bang totoo? Are you corrupt o are you incompetent?,” ito naman ang agad na naging tugon ni Sen. Alan Peter Cayetano matapos ang talumpati ni Binay.

Sa panayam ng dzMM kanina hinamon rin ng senador na imbes na magsalita kung saan saan ay harapin na lamang ni Binay ang imbitasyon ng Senado para sa imbestigasyon ng sinasabing overpriced na gusali ng Makati City Hall.

Una ng pinadalhan ng imbitasyon ng Blue Ribbon Committee si Binay at inanyayahan itong dumalo sa pagpapatuloy ng kanilang pagdinig sa September 25.DCR

Advertisements