WALANG PASOK: October 6 idineklarang regular holiday ng Malacañang

Idineklara na ng Malacañang na regular holiday ang October 6 (Lunes) bilang paggunita sa  Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga kapatid nating Muslim.

Pormal na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Proclamation 875 na nagdedeklara sa unang Lunes ng Oktubre bilang regular holiday sa buong bansa dahil sa naturang okasyon.

Nilagdaan ni PNoy ang kautusan noong Setyembre 12 bilang pagtalima sa itinatadhana ng RA 9849 na nag-aatas sa Pangulo na ideklarang regular holiday sa bansa ang Eid’l Adha batay sa petsang itatadhana ng Islamic calendar taun-taon.

Ang naturang batas ay ganap na naging epektibo noong administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang Eid’l Adha ay ang pagkilala ng mga Muslim sa sakripisyong ginawa ni Ibrahim (Abraham) ng atasan at subukin ito ni Allah sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa anak nito.-DCR

Advertisements