Bagyong Mario nasa Northern Luzon na

Tropical Storm Mario

Latest satellite image of tropical storm “Mario” Image from: PAGASA

Kasalukuyang hinahagupit ng bagyong Mario (Fung-Wong) ang Ilocos Region.

Sa pinakahuling forecast ng PAGASA kaninang 12:00 ng hatinggabi, namataan ang bagyong Mario sa layong 117 km hilagang kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 kilometro kada oras at may pagbugsong umaabot sa 90 kilometro kada oras malapit sa gitna.

Nakataas pa rin ang storm warning signal number 2 sa mga lalawigan ng Calayan at Babuyan Group of Islands, Batanes Group of Islands, Apayao at Ilocos Norte.

Signal number 1 ang nakataas sa mga probinsya ng Cagayan, Kalinga, Abra at Ilocos Sur.

Patuloy na pinag-iingat ang mga nakatira sa mabababang lugar sa mga biglaang pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng pag-ulan.

Sa Metro Manila, nananatili namang nakataas ang Yellow rainfall warning kasama ang mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga, Rizal at Cavite.

Nasa ilalim naman ng Orange rainfall warning ang Nueva Ecija habang Red rainfall warning na ang nakataas sa Zambales at Tarlac na nangangahulugan ng mas malalakas na pag-ulan.-DCR

Advertisements