Dalawa patay habang lumulusong sa baha sa Espana, Maynila

España Manila during TD Mario

Flooded España Boulevard in Manila Image from: Raffy Tima Twitter

Patay ang dalawa katao habang nagpapagaling na ang isa pa matapos makuryente sa gitna ng pagbaha na naranasan sa España, Maynila na dulot ng bagyong Mario at Habagat.

Nakilala ang mga nasawi na sina Siegfried Nathan Arcilla, 22-anyos, medical student sa University of Santo Tomas at si Glendon Benedicto 22-anyos na empleyado naman ng isang hotel.

Sa imbestigasyon, lumalabas na unang nakuryente habang lumulusong sa baha si Arcilla dakong 5:00 ng hapon kahapon malapit sa Gate 1 ng UST.

Sunod namang nakuryente dakong 7:30 kagabi si Benedicto habang binabaybay nito ang kanto ng Maceda at España.

Kapwa naisugod pa sa ospital ang dalawang biktima subalit binawian  rin ng buhay ang mga ito.

Nakuryente rin malapit sa UST gate ang biktimang si Cedric Fabie, 18-anyos at estudyante ng Far Eastern University dakong 2:00 ng hapon kahapon at sa ngayon ay nagpapagaling na ito.

Tumaas ang tubig sa España bunsod ng malakas na buhos ng ulan.

Bagama’t umaga pa lamang ay suspendido na ang klase at pasok sa mga tanggapan sa Metro Manila ay naging pasakit naman para sa mga commuter ang pag-uwi dahil sa tindi at lawak ng naranasang pagbaha.-DCR

Advertisements