Mga Pinoy peacekeeper mula Golan Heights nakauwi na

Pinoy peacekeepers

Filipino peacekeepers during parade Image from: defence.pk

Dumating na dito sa bansa kagabi ang may 244 na mga sundalong Pilipino na naging bahagi ng Philippine peacekeeping mission sa Golan Heights, Syria.

Sakay ng United Nations (UN) chartered flight mula Tel Aviv, Israel dumating kagabi sa Villamor Air Base ang mga Pinoy UN peacekeepers mula sa isang taong tour of duty sa Syria.

Bagama’t masama ang panahon sa Metro Manila dulot ng bagyong Mario ay mainit pa rin silang sinalubong ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang kasama ang iba pang matataas na opisyal ng AFP.

Dapat sana ay uuwi sa bansa sa susunod pang buwan ng Oktubre ang mga peacekeeper.

Napaaga ng halos dalawang linggo ang pag-uwi ng mga sundalong Pinoy mula Golan Heights dahil sa lumalalang sitwasyong panseguridad doon. 

Pinangunahan ni Capt. Nilo Ramones ang grupo ng mga sundalong dumating kagabi.

Matatandaan na ang grupo ni Ramones ang pitong oras na nakipagsagupa sa mga Syrian rebel bago matagumpay na nakatakas at ligtas na makaalis sa Position 69 na tinawag naman ni Catapang na ‘the greatest escape’.

Bukod sa mga dumating na sundalo ay may darating pang humigit kumulang na 100 Pinoy peacekeeper sa Linggo.

Una ng nagkaroon ng hindi magandang pagkakaunawaan ang AFP at ang United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) partikular ang commander nitong si Lt. Gen. Iqbal Singh Singha.

Ito ay dahil sa hindi pagpayag ng AFP na isuko ng mga Pinoy peacekeeper ang kanilang mga armas sa mga Syrian rebel kapalit ng kalayaan ng mga binihag na Fijian peacekeeper.

Nakatakda namang makipagkita ang mga Pinoy peacekeeper kay Pangulong Benigno Aquino III pagkabalik nito mula sa kanyang byahe sa ibayong dagat.

Sa kabila naman ng nangyari sa Golan Heights ay nananatili ang dedikasyon ng bansa sa responsibilidad nito sa UN at magpapadala pa rin ito ng mga peacekeeping forces sa iba pang mga bansa.-DCR

 

Advertisements