Pagpatay sa sekyu at pagholdap sa isang sanglaan sa Koronadal City huli sa CCTV

 

https://www.facebook.com/video.php?v=1522570144646929&set=vb.1471724113064866&type=2&theater

 

Nakunan ng CCTV ang ginawang pagpatay sa isang gwardya at panloloob ng apat na suspek sa Agencia Brillantes noong September 18 sa Osmeña Street, Koronadal City.

Dalawa ang patay at apat ang sugatan sa naganap na panloloob.

Kinilala ang mga ito na sina Joan Lazaga at Arlon Tamayo na kapwa security guard. Nabatid na si Lazaga ang nakunan ng CCTV na binaril ng mga suspek habang napatay din si Tamayo matapos rumesponde sa holdapan at makipagpalitan ng putok sa mga holdaper.

Sugatan naman sa insidente sina Noel Villora; guwardiya ng Agencia Brillantes, Sheryl Mae Galagar, Alfredo Pagarigan at Mark Anthony dela Torre matapos tamaan ng bala.

Sa CCTV ay makikita na agad pinutukan ng  isa sa mga suspek ang gwardya sa pintuan ng sanglaan dahilan para ito bumagsak.

Muli pa itong pinutukan ng isa sa mga suspek bago pinagbabasag ang salaming estante ng sanglaan saka kinuha ang tinatayang P1M halaga ng mga alahas.

Ayon sa mga saksi, bago tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo ay naghagis pa ng granada ang mga salarin.

Swerte namang hindi ito pumutok at nai-detonate din ng mga rumespondeng pulis.

Sa pinakahuling development sa insidente ay nahuli na kahapon (September 21) ng madaling-araw ang pangunahing salarin sa panloloob.

Kinilala itong si Khadafy Guimelon alyas Commander Pilandok. Nabatid na si Guimelon ay pangatlo sa listahan ng most wanted list ng mga kidnapper ng PNP-Anti Kidnapping Group sa Mindanao at may dalawang warrant of arrest.

Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng PNP sa iba pang suspek habang nag-alok na rin ng reward money si Koronadal Mayor Peter Miguel para sa agad na ikahuhuli ng mga salarin.-DCR

Advertisements