2014 Asian Games: Unang medalya ng Pilipinas ibinigay ni wushu bet Daniel Parantac

 17th Asian Games

 

Tinapos ni Daniel Parantac ang pagkainip ng mga Pilipino para sa kauna-unahang medalya ng bansa sa nagpapatuloy na 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea.

Ibinulsa ng 23-anyos na si Parantac ang silver medal sa Men’s Taijiquan event ng wushu kung saan nakakuha ito ng kabuuang 9.68 puntos.

Nahablot naman ng pambato ng China na si Zhouli Chen ang gintong medalya sa iskor na 9.78 habang nakuntento na lamang sa medalyang tanso si Chan Ko Ko Nyein ng Myanmar sa iskor na 9.65.

Bukod kay Parantac ay nakasiguro naman ng bronze medal si Francisco Solis sa Men’s Sanda (wushu)  matapos mag withdraw sa kanyang kalaban na Zhao Fuxiang ng China dahil sa tinamong injury.

Lumalakas naman ang tsansa ni Jean Claude Saclag sa Men’s Sanda competition ng wushu matapos manaig kontra kay Indian bet Narender Grewal sa iskor na 2-0.

Dahil dito, haharapin ni Saclag si Kong Hongxing ng Hong Kong sa finals ng nasabing event kung saan nakakasiguro na ito ng silver medal.

Sa basketball naman ay nakatakdang harapin ng Gilas Pilipinas bukas ang powerhouse Iran sa pagpapatuloy ng kampanya nito sa 2014 Asiad.

Ang pambato naman ng bansa sa bowling na si Biboy Rivera ay sinimulan na ang kanyang kampanya para makasungkit ng kahit isa sa 10 medalya na nakataya sa kanyang event. -DCR

Advertisements