2014 Asian Games: Gilas Pilipinas nabigo sa Iran

GIlas

Gilas Pilipinas vs. Iran during FIBA Asia Championship in Manila Photo courtesy of Gilas Pilipinas Facebook

 

Nabigo ang Gilas Pilipinas na sundan ang panalo nito kontra sa India sa pagpapatuloy ng kampanya nito sa 2014 Asian Games sa Incehon South Korea matapos matalo kontra Iran sa iskor na 68-63.

Sa first quarter pa lamang ay nagpakita na ng pagiging agresibo ang Iranians dahilan para matapos ang yugto sa iskor na 29-17.

Hindi naman nagpadaig ang Pinoy cagers at agad na bumanat para tapyasan ang kalamangan ng kalaban at maisampa sa 36-34 ang laban sa pagsapit ng halftime.

Pinangunahan ni Paul Lee ang Gilas sa pag-ambag ng 11 puntos habang kumamada naman ng tig-sampung puntos para sa national team sina LA Tenorio at Marcus Douthit. 

Sa pagpasok ng third quarter ay agad na nagpakawala si Lee ng sunod sunod na puntos para ipatikim ang unang kalamangan ng mga Pinoy.

Nagawa pang ilayo ng Gilas sa pito ang lamang pagsapit ng fourth quarter bago hinabol ng Iran at itabla sa 61 all ang laban.

Tinangka pa ni Gabe Norwood na pansamantalang ilayo ang kalamangan sa iskor na 63-61 bago tuluyang kunin ng Iran ang mga sumunod na puntos.

Dahil sa pagkatalo ay may 1-1 standing ngayon ang Gilas sa men’s basketball ng Asiad at uusad ito sa quarterfinals  kasama ng mga bansang Japan, Kazakhstan at South Korea. Ang dalawang mangungunang koponan naman sa grupo ang siyang aabante para sa semis.

Dahil dito ay posibleng makaharap muna ng bansa ang Japan o ang matagal na ring karibal at host country na South Korea bago  ituloy ang kampanya at makaabante sa seminafinals.-DCR

 

Advertisements